ANO ANG CRISTIANISMO?

ni

Joel Stephen Williams, Ph.D.

Return to Kerygma Main Page

WHAT IS CHRISTIANITY?
Kerygma Books
Gainesville, FL 32605
U.S.A.

Isinalin sa wikang Pilipino:



Felix R. Garlitos


Copyright 1997 by Joel Stephen Williams
All Rights Reserved
Translation into Pilipino Copyright 2001
by Felix R. Garlitos
All Rights Reserved
Felix Garlitos
Felix Garlitos preaching

Ang Mga Nilalaman

Ano Ang Cristianismo?
Ang Pangangailangan Ng Kaligtasan
Ang Tagapagligtas Mula Sa Langit
Ang Pagkapanganak Ni Jesus
Ang Talambuhay Ni Jesus
Ang Mga Aral Ni Jesus
Walang Sala Si Jesus
Ang Pagtubos
Ang Pagkabuhay Mag-uli ni Jesus
Sa Biyaya Naligtas
Ang Pananampalataya
Ang Pagsisisi
Ang Pagtalima
Ang Malayang Kalooban


Ang Bautismo
Ang Buhay Cristiano
Ang Iglesia
Ang Paglilingkod at Pangangaral
Ang Pagsamba
Ang Hinaharap
Ang Trinidad
Ang Espiritu Santo At Ang Mga Kababalaghan
Ang Banal Na Kasulatan
Mga Nilalaman Ng Biblia
- - Ang Lumang Tipan
- - Ang Bagong Tipan
Pangwakas


ANO ANG CRISTIANISMO?



Ang layunin ng aklat na ito ay upang ipaliwanag sa iyo sa pamamaraang madali mong maunawaan kung ano ang Cristianismo at kung papaano ka maging isang Cristiano, ano ang dapat mong panampalatayanan at kung papaano ang dapat mong paghakbang bilang isang Cristiano. Ang Cristianismo na mababasa mo sa mga sumusunod na pahina ay ang Cristianismo na nakilala at lumaganap sa kapanahunan ng mga apostol noong unang siglo. Maingat na ipapakita sa pamamagitan ng banal na kasulatan kung ano ang Cristianismo na walang nadagdag na mga ugali ng tao sa loob ng kulang-kulang na 2,000 taon na ngayon. Maaring masabi na ang mga ugaling ito ay hindi paninira ngunit kailangang iwasan ang mga kamaliang ito.

Maraming taong nalilito ngayon tungkol sa Cristianismo dahil sa ito'y nahahaluan ng mga makataong ugali na siyang sumasapaw sa katotohanan. Marahil ikaw ay isa sa mga nagkakaroon ng duda tungkol sa Cristianismo dahil kapos ang nakita mong uliran sa isang iglesia o sa buhay ng mga nagsasabing sila'y mga Crristiano. Kung gayon nga, pakibasa ang aklat na ito upang iyong hatulan ang Cristianismo sa pamamagitan ng katotohanang taglay nito at hindi sa pamamagitan ng kakapusan ng mga nagsasabing sila'y Cristiano. Hatulan mo ang Cristianismo ayon sa sukat na nakatala sa Bagong Tipan ng Biblia na siyang nagsasaad kung ano ang tunay na iglesia at kung sino ang tunay na Cristiano. Marami sa nagsasabing sila'y Cristiano ang nabubuhay, nagsasamba o nangangaral nang hindi karapatdapat dahil sa maraming kadahilanan. Marahil sila'y kulang sa kaalaman ng buong katotohanan. Marahil sila'y nalinlang sa maling aral. O dili kaya'y sadyang sila'y mapagpaimbabaw. Maari namang sila'y matapat ngunit sila'y nagkakamali. Pakiusap, huwag mong hatulan ang Cristianismo dahil sa kakulangan ng isang kakilala mo na nagsasabing siya'y Cristiano. Hatulan mo ang Cristianismo sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na siyang nagtatag ng Cristianismo at tiyak na ikaw ay hindi mabibigo. Maaring magkamali ang kaniyang tagasunod, ngunit si Jesu-Cristo kailanma'y hindi nagkamali.

Ang Pangangailangan Ng Kaligtasan

Ang Cristianismo ang siyang relihiyon ng mga taong tinatawag na "Cristiano" (Gawa 11:26; 26:28; 1 Pedro 4:16). Ang Cristiano ay isang tagasunod ni Jesus na taga Nazaret na siyang tinatawag na Cristo o Mesias ng mga sumasampalataya sa kanya. Bakit nga ba kailangang maging Cristiano? Ang kasagutan sa tanong na ito ay dahil sa pangangailangan natin ng kaligtasan. Upang maunawaan natin ang pangangailangan natin ng kaligtasan, kailangang makita muna natin na tayo'y tao na may pananagutan sa Dios.

Ang lahat ng tao'y mga nilalang na higit pa kay sa mga karaniwang nilalang ng Dios na gaya ng hayop. Tayo'y may taglay sa ating mga sarili na "espiritu" o "kaluluwa" na nangangahulugan na tayo'y mga espiritual na nilalang (Gawa 7:59; I Cor. 2:11; I Thes. 5:23; San. 2:26). Noong pasimula'y nilalang ng Dios ang lahat (Gen. 1:1), ngunit nilalang niya ang tao "na kawangis niya" (Gen. 1:26-27; Col. 3:10; San. 3:9). Ito'y nangangahulugan na ibinigay ng Dios sa atin ang kakayahang mag-isip at mangatuwiran. May kakayahan tayong umintindi ng mga bagay na espiritual at sumampalataya sa Dios na makapangyarihan sa lahat. May kakayahan tayong malaman kung ano ang mabuti o masama, nadadama natin ang hatol ng ating konsensiya kung tayo ay gumawa ng masama at nauunawaan natin ang mga bagay na makatarungan at marangal. Nararamdaman natin ang pagkamangha sa pagbubulaybulay ng kadakilaaan ng Dios. Tayo'y may kakayahang sumamba at sa lahat ng dako ng mundo at sa lahat ng uri ng tao'y mayroong pagnasang sumamba sa isang Maykapal. Kaya nating magkaroon ng marangal na pamumuhay sa pamamagitan ng pagsunod natin sa kabanalan ng Dios (Mat. 5:48; Efe. 4:21-23; I Ped. 1:14-16).

Noong si Apostol Pablo ay nangaral sa Atenas, Grecia ay napansin niya ang subrang pagkarelihioso ng mga taga Atenas (Gawa 17:22). Mayroon silang mga altar at iba pang mga gamit upang sumamba sa iba't ibang dios-diosan. At upang masiguro nila na wala silang dios na makaligtaan, mayroon din silang altar na ang nakasulat ay, "Para sa dios na hindi kilala." (Gawa 17:23). Sila nga'y pinangaralan ni Pablo tungkol sa tunay na Dios:

"Ang Dios na lumikha ng sanlibutan at ng lahat ng narito ay ang Panginoon ng langit at lupa. Hindi siya tumitira sa mga templong ginawa ng kamay. Hindi siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao dahil sa nangangailangan siya ng anuman, pagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay at hininga sa lahat ng tao at bawat bagay. Mula sa isang tao, nilikha niya ang bawa't bansa na binubuo ng tao para kalatan ang buong daigdig. Siya ang nagpapasiya ng panahon para sa kanila at ng tiyak na mga lugar ng kanilang tirahan. Ginawa ito ng Dios para hanapin siya ng tao, baka sakaling sa kanilang pagaapuhap ay masumpungan siya bagaman hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. Sa pagkat dahil sa kaniya kaya tayo nabubuhay, kumikilos, at nagtataglay ng ating pagkatao. . . ." (Gawa 17:24-28).

Sapagka't ang Dios ang siyang lumikha sa atin, mayroon tayong pananagutan sa kaniya (Isa. 43:7; Apo. 4:11). Sinabi ni Pablo sa mga taga Atenas na isang araw huhukomin sila ng Dios: ".iniuutos niya sa lahat ng mga tao na magsisi. Pagka't nagtakda na siya ng isang araw para hatulan sa katarungan ang sanglibutan . . ." ( Gawa 17:30-31). Dahil ibinigay ng Dios sa atin ang kakayahang mag-isip at malaman ang tama o mali, tayo'y mananagot sa kaniya. Binanggit ni Pablo ang mga taong hindi nabigyan ng nakasulat na kautusan ngunit may katutubong kaalaman sa hinihingi ng kautusan (Rom. 2:14). Dahil sa kaya nating malaman na may Dios (Sal. 19:1-6; Rom. 1:19-20), at sa pagka't alam natin ang mabuti o masama, tayo'y may pananagutan sa Dios sa ating isip, sa ating gawa at sa ating pamumuhay (Gawa 10:42; Rom. 2:16; I Cor. 4:5).

Ang malungkot na katotohanan ay ang lahat ng tao na humantong na sa wastong edad ng pag-kaalam ng mabuti o masama ay nagkasala. Ang kasalanan ay ang anomang salungat sa kalooban ng Dios. Ito'y pagsalangsang sa kautusan (I Juan 3:4). "Lahat ng kalikuan ay kasalanan" ( I Juan 5:17). Ang tama o mali ay hindi itinalaga ng Dios na walang batayan. Anomang ayon sa Dios ay tama at anomang salungat sa Dios ay mali. Ang Dios ay pag-ibig, sa makatuwid kasalanan ang hindi umibig (I Juan 4:8,16). Ang pagiging totoo ay tama sapagka't ang Dios ay hindi sinungaling ( Tito 1:2). Mayroong maraming listahan ng mga kasalanan sa Bagong Tipan na makakatulong sa atin upang lalong malaman kung ano ang kasalanan. Si Pablo sumulat sa mga taga Roma tungkol sa mga makasalanan ng ganito:

"Nangapuspos sila ng buong kalikuan, ng kasamaan, ng kasakiman, ng kahalayan; puspos ng kapanaghilian, ng pagpatay sa kapuwa tao, ng pagtatalo, ng pagdaraya, ng mga kasamaan; ng mga mapagupasala, mga mapanirang puri, mga napopoot sa Dios, mga manglalait, mga palalo, mga mapagmapuri, mga mangangatha ng kasamaan, mga masuwayin sa mga magulang, mga haling, mga hindi tapat sa tipanan, mga walang katutubong paggiliw, mga walang habag;" (Rom. 1:29-31).

Inilista rin ni Pablo ang mga karaniwang "gawa ng laman" o kasalanan: "Pakikiapid, karumihan, kalibugan, pagsamba sa dios-diosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at mga katulad nito" (Gal. 5:19-21). Inilista rin ni Pablo yaong mga hindi magmamana ng tahanan sa langit, maliban kung sila'y magsisi. Kabilang dito ang "mga mapakiapid, mga mananamba sa diosdiosan, mga mangangalunya, mga nangbababae, mga mapakiapid sa kapuwa lalaki, mga magnanakaw, mga masasakim, mga manglalasing, mga mapagtungayaw, mga manlulupig" ( I Cor. 6:9-10; cf. Col. 3:5-6; I Tim. 1:9-11; II Tim. 3:2-5; San. 3:14-16; I Ped. 2:1-2).

Hindi natin maisisi sa iba ang ating mga kasalanan. Tayo'y nagkakasala kung tayo ay bumibigay sa pagkatukso (San 1:12-15). Bagama't ang kasalanan ay pumasok sa mundo sa pamamagitan ni Adan at Eva, tayo'y hindi pinilit upang magkasala. Tayo'y nagkakasala sa pagkat sumunod tayo sa ibang makasalanan at nahihila tayo ng sariling masamang pita at nahihikayat. Ganito kumalat ang kasalanan sa mundo (Rom. 5:12). Kung papaanong lahat na susunod kay Cristo ay maliligtas, ganon din lahat na sumunod kay Adan sa landas ng kasalanan ay mawawala (Rom. 5:15-21). May mga tao na nagtuturo ng maling aral na ang kasalanan ay minamana ng isang tao mula sa kaniyang pagkapanganak. Hindi ito aral ng Biblia. Ang bawat tao'y mananagot sa Dios. Ang mga anak ay hindi hahatulan dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang o dahil sa kasalanan ni Adan. Hindi rin hahatulan ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak ( Jer. 31:29-30; Ezek. 18:20). Ang bawat isa sa atin ay mananagot sa Dios (Rom. 14:12).

Dahil tayo'y makasalanan at ang Dios ay banal at sakdal, tayo'y naihiwalay sa kaniya (Isa. 59:2). Si Adan at Eva ay pinalayas sa Eden pagkatapos na sila'y magkasala (Gen. 3:1-24). Ganoon din, ang Dios ay hahatol sa atin sa ating pagkakasala. Lahat ng tao ay nagkasala sa Dios, maging ang mga relihioso (Roma. 3:9). "Walang matuwid, wala, wala kahit isa" ( Rom. 3:10). ". . . lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios" (Rom. 3:23; cf. I Juan 1:8-10). Ang kabayaran na karapatdapat sa ating kasalanan ay kamatayan: "Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan" (Rom. 6:23; cf. Gal. 6:7-8). Dito natin nakikita ang malaking pangangailangan natin ng kaligtasan. Tayo'y nawawala dahil tayo'y nagkasala. Wala tayong magawa (Rom. 5:6). Maaring mabawasan ang ating pagkakasala kung gawin natin ang lubos na kakayahan natin na umiwas, nguni't magkakasala pa rin. Ni hindi rin natin kayang pagbayaran ang ating mga kasalanan. Tunay na matindi ang pangangailangan natin ng kaligtasan. Kailangan natin ang tagapagligtas.

Ang Tagapagligtas Mula Sa Langit

Isipin mo ang isang taong nahulog sa kailaliman ng isang butas. Hindi niya kayang umakyat. Kailangan niya ang tulong mula sa labas o sa itaas. Kailangan niya ang isang maghuhulog ng isang lubid o hagdan. Kailangan niya ang tagapagligtas. Ganoon ang kalagayan ng tao dahil sa kasalanan. Kailangan natin ang tulong mula sa langit at ang ating dakilang Dios ang siyang nagbigay ng tagapagligtas. Mayroong iisang Dios (Det. 6:4; Mar. 12:29; I Cor. 8:4; Efe. 6:6; San. 2:19), nguni't ang Dios na ito ay kilala natin sa tatlong tawag na ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo (Mat. 28:19; II Cor. 13:14; Juan 15:26). Kung tinatawag ang Dios na "Ama" ay hindi nangangahulugan na ang Dios ay nag-asawa o na siya ay may asawa sa langit na nagkaanak ng lalaki. Ang ibig sabihin ng pagtawag sa Dios na "Ama" ay para siyang isang ama na nag-aaruga sa atin (Mat. 6:9; 7:9-19). Si Jesu-Cristo ay hindi tinawag na "Anak ng Dios" dahil sa ang Dios at ang kaniyang asawang taga langit ay ipinanganak si Jesus, o kaya'y ang Ama ay mas matanda kaysa ang Anak. Siya'y tinawag na "Anak ng Dios" sapagka't naging masunurin siya sa Ama gaya rin ng anak na dapat maging masunurin sa kaniyang ama ( Juan 4:34; 5:30; 6:38). Ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo ay silang bumubuo sa pagka-Dios at bawa't isa sa kanila ay tinatawag na Dios.

Ito'y nangangahulugan na ang ating tagapagligtas, si Jesu-Cristo, ay hindi nagsimulang mabuhay noong siya'y isinilang sa mundong ito. Siya'y buhay bago pa si Abraham (Juan 8:58). Siya'y buhay bago pa lalangin ang mundo (Juan 1:3; Col. 1:15-16; Heb. 1:2). Dios si Cristo at ito ang pagkakilala kay Cristo bago pa man siya ipinanganak sa laman. Ang ating tagapagligtas na si Jesu-Cristo ay walang simula at walang hanggan (Juan 3:13; 89:23; 17:5, 24; 18:37). Siya noon at siya rin magpakailan man (Rev. 1:8,17; 21:6; 22:13; Juan 1:1; Heb. 13:8). Bagama't siya'y nasa langit at pinaglilingkuran ng libo-libong angel, kusang loob siyang bumaba sa lupa upang maging ating tagapagligtas (II Cor. 8:9). Ipinaliwanag ni Pablo ang kamanghamanghang kaganapan ng mabuting balita na siyang katangihan ng Cristianismo:

"Na siya, bagama't nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na karapatdapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios, kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao: (Fil. 2:6-7).

Ang taong makasalanan ay nangailangan ng tagapagligtas. Sa halip na hingin sa atin ang hindi natin kayang gawin na pagbayaran natin ang ating kasalanan, sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa mundo upang lutasin ang problema ng kasalanan para sa atin (Juan3:16). Dahil dito'y ang mensaje ng Cristianismo ay tinatawag na "evangelio" (Mar. 1:1; 16:15; Rom. 1:16; Efe. 1:13; I Tim. 1:11), Ang kahulugan ng salitang "evangelio" ay "magandang balita." Ito'y magandang balita sa kalagayan nating walang pag-asa. Ang Dios ang siyang nagbigay sa atin ng tagapagligtas upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Ang kaligtasan ay bumaba mula sa langit sa pagkatao ng Anak ng Dios, si Jesu-Cristo.

Ang Pagkapanganak ni Jesus

Ang Dios ang gumawa ng mahiwagang paraan upang maging ating tagapagligtas ang Anak ng Dios nang siya'y ipanganak sa laman. Pinili ng Dios ang isang mabuting lalaki at isang mabuting babae na mga Israelita, si Jose at si Maria, na maging mga magulang ng hindi pangkaraniwang isinilang na anak. Si Jose at si Maria ay nagkasundo sa isa't isa at itinuturing nang mag-asawa nguni't sila'y hindi pa kasal at hindi pa magkapiling sa pagsasama (Mat. 1:18-25). Si Maria ay isa pa ring virgin (Luc. 1:26-34). Ang Dios ang gumawa ng mahiwagang paraan sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang lalangin si Jesus sa sinapupunan ni Maria (Mat. 1:20; Luc. 1:35). Sa ganitong paraan nagkaroon ng inang tao si Jesus nguni't ang kaniyang ama ay ang Dios (Gal. 4:4; Rom. 1:3; Luc. 1:35). Ito ang tinatawag na pagkapanganak ni Jesus sa isang virgin.

Ang pagiging tao o pagiging laman ay siyang itinatawag sa ganitong paraan na sa pamamagitan nito'y naging tao ang Anak ng Dios. Si apostol Juan ang siyang naghayag ng titulong taglay ni Jesus at ang kaniyang kalagayan bago pa siya maging tao: "Nang pasimula siya ang Verbo, ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios . . . . . At ang Verbo ay nagkatawang tao at tumahan sa gitna natin . . ." ( Juan 1:1,14; cf. Rom. 8:3; I Tim. 3:16; I Juan 4:2; II Juan 7).Upang siya'y maging tagapagligtas nating lubos, siya'y naging isa sa atin (Heb. 2:14,17).

Si Jesu-Cristo ay katangitangi sa maraming paraan, at ang kanyang kalagayan bilang tao at Dios ay siyang pinakamahalaga. Samantalang siya ay nasa mundong ito, si Jesu-Cristo ay nakilalang isang tao. Siya ay nagmula sa lahi ng mga tao (Mat. 1:1-17; Rom. 1:3; 9:5). Nagdaan siya sa pangkaraniwang paglaki na siyang pinagdadaanan ng lahat ng tao. Siya'y nagsimula na isang sanggol na lumaki sa pagkatao (Luc. 2:40). Nangailangan siya ng mga pangkaraniwang pangangailangan ng tao gaya ng pagkain, tubig, at pahinga. Kinailangan pa niyang magdasal (Mat. 4:2; 8:24; 14:23; Juan 4:5-7; 19:28). Bilang isang tao, si Jesus ay nakadama ng kagalakan, kalungkutan, galit, pag-ibig at pagkahabag (Mat. 9:36; 26:37; Mar. 3:5; 10:21; Juan 12:27; 15:11). Umiyak pa si Jesus (Juan 11:35) at siya'y tinukso (Mat. 4:1-11; Luc. 4:1-l3; Heb. 4:15). Nadama ni Jesus ang sakit sa katawan at naranasan niya ang kamatayan bilang tao ( I Ped. 3:18; 4:1). Oo, si Cristo ay tunay na tao.

Gayon man si Jesus ay tunay na Dios (Juan 10:30; I Juan 5:20). Tinawag siya na "Panginoon" at "Anak ng Dios" na mga titulo ng pagka-Dios (Juan 10:25-33; Luc. 2:11; Apo. 4:8-11; 19:16) at siya'y tinawag na "Dios" (Juan 1:1; 20:28; Rom. 9:5; Tit. 2:13; Heb. 1:8; II Ped. 1:1). Bagama't hindi ginamit ni Cristo ang lahat ng kapangyarihan bilang Dios, nasa kanya ang buong pagka-Dios (Col. 1:15,19; 2:9). Si Jesu-Cristo ay tunay na Dios at tunay na tao. Taglay niya ang tunay na pagka-tao at tunay na pagka-Dios. Kapag pinaghahalo ang pintorang puti at pinturang itim ay nagiging pinturang kulay abu at nawala na ang pagiging puti at itim. Nguni't hindi ganoon ang nangyari kay Cristo. Ang kanyang pagka-Dios (Juan 1:1) ay hindi nawala noong siya'y nagkatawang tao (Juan 1:14). Si Cristo ay tunay na Dios at tunay na tao.

Sapagka't si Jesu-Cristo ay tunay na Dios at tunay na tao, siya ang tunay na tagpagligtas. Siya ang tunay na tagapamagitan sa tipan ng Dios at ang tao (I Tim. 2:5-6). Bilang tao, siya ang bumayad ng ating pagkakautang sa kasalanan. Bilang Dios, siya ang tunay at angkop na alay para sa ating kasalanan. Ang bagay na ito ay ating mapagaaralang lubos sa mga sumusunod na pahina kung saan ay tinutukoy ang tungkol sa pagtubos ng kasalanan nguni't sa ngayon ay mahalaga na malaman natin na ito'y bahagi ng plano ng Dios mula pa ng paglalang ng mundo (I Ped. 1:20). Sa pagka't si Cristo ay Dios at tao, ang kaniyang paglitaw sa mundo ay hindi pangkaraniwang paraang pagkapanganak na ang ina'y tao nguni't ang ama'y Dios. Ang ating tagapagligtas ay galing sa langit at siya'y Anak ng Dios. Gaya ng sinabi ng angel sa mga pastor: "Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon" (Luc. 2:11).

Ang Talambuhay ni Jesus

Kung hindi pa niyo gaanong nalalaman ang talambuhay ni Cristo, kinakailangang basahin ninyo ang apat na evangelio ng Mateo, Marcos, Lucas at Juan. Ang apat na mga aklat na ito ang siyang nagtala ng kapanganakan ni Jesus (Mat. 1:1-2:12; Luc. 1:26-2:20) at ang isang kaganapan noong siya'y labingdalawang taong gulang ( Luc. 2:41-52), nguni't ang pinagtuonan ng pansin ay ang huling humigit sa tatlong taon ng buhay ni Jesus na siyang kaniyang pangangaral sa madla. Mula nang siya'y tatlong pung taong gulang, ipinangaral at itinuro ni Jesus ang kalooban ng Dios. Nakaakit siya ng maraming alagad at pumili siya ng labingdalawang mga apostol na magpapahayag ng kaniyang salita pag-alis niya sa mundo.

Si Jesus ay gumawa ng maraming kababalaghan na nagpapatunay ng pagsangayon ng Dios sa kaniyang mga salita at mga gawa (Juan 2:11; 5:36; 10:25, 37-38; 14:11; Luc. 7:20-22; Mat. 9:1-8; Heb. 2:4). Mga ilan lamang sa mga kababalaghan na ginanap ni Jesus ang nakatala sa apat na Evangelio, "Nguni't ang mga ito ay nasulat, upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios, at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan" (Juan 20: 30-31). Narito ang listahan ng mga kababalaghang ginanap ni Jesus na nakatala sa apat na Evangelio:

Ginawang alak ang tubig (Juan 2:1-11).
Pinagaling ang anak ng isang opisyal (Juan 4:46-54).
Pinagaling ang isang lalaki sa sinagoga (Mar. 1:23-26; Luc. 4:33-35).
Pinagaling ang biyanang babae ni Pedro (Mat. 8:14-15; Mar. 1:30-31; Luc. 4:38-39).
Unang pagkahuli ng maraming isda (Luc. 5:1-11).
Pinagaling ang isang kitongin (Mat. 8:2-4; Mar. 1:40-42; Luc. 5:12-13).
Pinagaling ang isang paralitiko (Mat. 9:2-7; Mar. 2:3-12; Luc. 5:18-25).
Pinagaling ang isang may-sakit sa Betesda (Juan 5:1-9).
Pinagaling ang isang taong tuyo ang isang kamay (Mat. 12:10-13; Mar. 3:1-5; Luc. 6:6-10).
Pinagaling ang alila ng senturion (Mat. 8:5-13; Luc. 7:1-10).
Binuhay ang bugtong na anak na lalaki ng isang balo (Luc. 7:11-15).
Pinagaling ang dalawang bulag (Mat. 9:27-31).
Pinakalma ang bagyo (Mat. 8:23-27; Mar. 4:37-41; Luc. 8:22-25).
Pinagaling ang inalihan ng demonyo (Mat. 8:28-34; Mar. 5:1-15; Luc. 8:27-35).
Pinagaling ang isang babaing inaagasan ng dugo (Mat. 9:20-22; Mar. 5:25-29; Luc. 8:43-48).
Binuhay ang anak na babae ni Jairo (Mat. 9:18-19,23-25; Mar. 5:22-24, 35-44; Luc. 8:41-42, 49-56).
Pinagaling ang piping inalihan ng demonyo (Mat. 9:32-33).
Pinakain ang 5,000 tao (Mat. 14:15-21; Mar. 6:35-44; Juan 6:5-13).
Lumakad sa ibabaw ng tubig (Mat. 14:25; Mar. 6:48-51; Juan 6:19-21).
Pinagaling ang anak na babae ng isang babaing Cananea (Mat. 15:21-38; Mar. 7:24-30).
Pinagaling ang isang bingi at utal ( Mar. 7:31-37).
Pinakain ang 4,000 tao (Mat. 15:32-38; Mar. 8:1-9).
Pinagaling ang isang bulag (Mar. 8:22-26).
Pinagaling ang isang batang inalihan ng demonyo (Mat. 17:14-18; Mar. 9:17-19; Luc. 9:38-43).
Pinakuha ang isang siklo sa bibig ng isda upang ibayad ng buwis (Mat. 17:24-27).
Pinagaling ang isang taong bulag mula pagkapanganak (Juan 9:1-41).
Pinagaling ang isang taong pipi at bulag (Mat. 12:22; Luc. 11:14).
Pinagaling ang babaing labingwalong taon nang maysakit (Luc. 13:11-13).
Pinagaling ang isang lalaking namamaga (Luc. 14:1-4).
Binuhay si Lazaro (Juan 11:1-44).
Pinagaling ang sampung kitongin (Luc. 17:11-19).
Pinagaling ang dalawang bulag (Mat. 20:29-34; Mar. 10:46-52; Luc. 18:35-43).
Pinatuyo ang puno ng igos (Mat. 21:18-22; Mar. 11:12-14, 20-25).
Pinagaling ang tainga ng alipin ng dakilang saserdote (Luc. 22:50-51).
Pangalawang pagkahuli ng maraming isda (Juan 21:1-11).

Nakatala din sa mga Evangelio ang bautismo ni Jesus (Mat. 3:13-17; Mar. 1:9-11; Luc. 3:21-22). Hindi binautismuhan si Jesus dahil sa siya'y makasalanan o dahil sa kailangan niya ang kapatawaran. Siya'y binautismuhan upang kanyang maganap ang boong katuwiran (Mat. 3:15). Siya'y napabilang sa atin upang siya ang maging ating tagapagligtas. Sa kanyang bautismo ay narinig ang tinig ng Dios mula sa langit na nagsabi: "Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan" (Mat. 3:17). Sa mga Evangelio rin nakatala ang pagtukso kay Jesus pagkatapos ng kanyang bautismo (Maty. 4:1-11; Luc. 4:1-13). Isang napakahalagang kaganapan sa buhay ni Jesus ay ang kanyang pagbagong-anyo (Mat. 17.1-8; Mar. 9:2-10; Luc. 9:28-36; II Ped. 1:16-18). Dito'y nagbagong-anyo siya sa harap ng tatlong apostol na sina Pedro, Santiago at Juan. Nagliwanag ang kanyang mukha na parang araw, isang tanda ng kanyang pagka-Dios at ang tinig ng Dios mula sa langit ay narinig: "Ito ang sinisinta kong Anak, siya ang inyong pakinggan" (Mar. 9:7). Bago matapos ang kanyang buhay sa lupa, mabasa natin ang kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem (Mat. 21:1-11; Luc. 19:28-40; Juan 12:12-19), ang makapangyarihang paglinis niya sa templo (Mat. 21:12-17; Mar. 11:15-19; Luc. 19:45-48), at ang paghuli at paglitis sa kaniya, ang pagkamatay niya sa krus at ang kanyang pagkabuhay mag-uli ( Mat. 26:36-28:10; Mar. 14:32-16:18; Luc. 22:39-24:49; Juan 18:1-21:14).

Ang Mga Aral Ni Jesus

Si Jesus ay kinikilala ng mga Cristiano na siyang Dakilang Guro. Sa ating pagkaalam, si Jesus ay hindi pumasok sa paaralan (Juan 7:15). Ganoon pa man, napakahusay siyang magturo na hinangaan ng mga tao (Juan 7:46). Madalas gumamit ng talinghaga si Jesus sa kanyang pagtuturo at ito'y nagustuhan ng mga tao. Gumamit siya ng mga pang-arawaraw na kaganapan sa buhay ng tao upang ipaliwanag ang kanyang mga aral. Ginanap ni Jesus sa kanyang pamumuhay ang kanyang mga aral, hindi gaya ng maraming guro na nangangaral nguni't hindi nakikita sa kanilang buhay ang kanilang ipinapangaral (Maat. 23:3). Si Jesus ay nangaral na may boong kapangyarihan (Juan 3:34; 7:16; Mat. 7:28-29). Hindi siya gumamit ng kapangyarihan ng sinomang tao upang patunayan ang kanyang aral. Tahasang kanyang ipinahayag, "Sinasabi ko sa inyo." (Mat. 5:22, 28, 32, 34, 39, 44). Hindi lamang nangaral ng katotohanan si Jesus, kundi siya mismo ang katotohanan (Juan 14:6). Ang pamumuhay na itinuro ni Cristo sa atin ay siyang pamumuhay na magdudulot sa atin ng tunay na kaligayahan (Juan 10:l0; Mat. 5:3-12). Maraming dalubhasang mangangaral ang nakatuklas na ang kanilang ipinapayo sa mga tao upang maging maligaya ay walang iba kundi ang ipinangaral ni Cristo noon.

Mga ilan sa mga talinghaga ni Jesus ay kahangahanga sa kanilang kagandahan at kalaliman sa espiritu. Basahin mo, halimbawa, ang tatlong talinghaga sa Lucas 15, ang talinghaga ng nawawalang tupa, ang nawawalang mga dinaryo, at ang nawawalang anak. Ang mga talinghagang ito ang nagsasabi sa atin na gusto ng Dios na tayo, mga nawawalang anak, ay manumbalik sa kanya at tayo'y kanyang malugod na tatanggapin. Basahin din ang kasaysayan ng mabuting pastor sa Juan 10. Mga ilan sa mga dakilang aral ng ating Panginoong Jesus ay tinipon sa mahahabang bahagi ng Evangelio ayon kay Mateo. Basahin mo ang mga sumusunod na tatlong bahagi ng pangangaral ni Jesus at makikita mo kung bakit tama na siya'y tinaguriang Dakilang Guro:

1. Ang Sermon sa Bundok (Mat. 5:1-7:28)
2. Talinghaga ng kaharian (Mat. 13:1-53)
3. Pamumuhay sa kaharian (Mat. 18: 1-35)

Ang antas ng pamumuhay na ipinangaral ni Jesus ay siyang pinakadakila sa mundo. Ang antas ng pamumuhay na itinuro ni Jesus ay hindi ayon sa mga batas at reglamento na angkop lamang sa mga gawain ng tao na nakikita. Tinukoy ni Jesus ang puso (Mat. 23:1-28). Bawal ang pumatay, ngunit itinuro ni Jesus na alisin ang galit at poot sa puso sa pagka't ang mga ito'y siyang uudyok sa tao na pumatay (Mat. 5:21-26). Bawal ang pangangalunya, ngunit itinuro ni Jesus na alisin ang pita ng laman sa puso na siyang uudyok ng pangangalunya (Mat. 5:27-30). Itinuro ni Jesus ang paggawa ng mabuti, ngunit ito'y dapat gawin na may tamang layunin (Mat. 6: 1-6, 16-18). Nawawalang halaga ang mabuting gawa kung ito'y mula sa makasariling layunin. Marami sa mga aral ni Jesus ay tungkol sa "kaharian ng Dios" (Mar. 1:14-15; Mat. 13:1-53). Kadalasan ang "kaharian ng Dios" ay tumutukoy sa paghari o pangunguna ng Dios. Kapag binabanggit ni Jesus ang pagmamana ng kaharian, kanyang itinuturo ang gantimpala ng langit o ang buhay na walang hanggan (Mat. 25:34). Sa pamamagitan ng madalas na pangangaral tungkol sa kaharian, hinihimok ni Jesus ang mga tao na kilalanin ang Dios bilang hari at sumunod sa kanya sa lahat ng bagay (Mat. 6:10). Idiniin ni Jesus na kailangan ang pagsisisi, ang pagpapakumbaba at ang paglilingkod sa kapwa (Mar. 1:15; 9:35; 10:15; Luc, 22:25-27).

Madiin na itinuro ni Jesus na ang pagibig ay siyang susi sa tamang pamumuhay. Ang pagibig ayon kay Jesus ay hindi lamang "ang magandang damdamin para sa iba" o "ang pagkagusto sa iba." Ang kahulugan ng pagibig na kanyang tinukoy ay ang hangarin kung ano ang pinakamabuti para sa kapwa na walang makasariling layunin. Sinabi ni Jesus na ibigin natin maging ang ating mga kaaway (Mat. 5:43-48). Madaling maging mabait sa taong mabait din sa atin, ngunit paano tayo maging mabait sa ating mga kaaway? Tinuruan ni Jesus ang kanyang mga alagad na "magibigan sa isa't isa" (Juan 13:34; 15:l0; 1 Juan 5:3; 2 Juan 1:6). Itinuro ni Jesus na ang pagibig ay siyang pangunahing tungkulin ng tao: "Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng boong puso mo, at ng boong kaluluwa mo, at ng boong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili (Mat. 22:37-39; Mar. 12:29-30; Luc. 10:27; Deut. 6:5). At ibinigay ni Jesus ang sa ngayon ay tinatawag na "gintong aral" sa buhay: " Kaya nga lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila" (Mat. 7:12; Luc. 6:31). Walang alinlangan na ang "mga salita ng buhay" ay na kay Jesus (Juan 6:68).

Walang Kasalanan si Jesus

Sinasabi ng mga kasulatan na si Jesus ay naging sakdal (Heb. 5:9). "Sa kanya'y walang kasalanan" (1 Juan 3:5). Bilang Cordero ng Dios na inialay para sa atin, si Jesus ay walang dungis (Juan 1:29; Heb. 9:14). Ayon kay apostol Pedro: "siya'y hindi nagkasala" (1 Ped. 2:22). Isinulat ni apostol Pablo: "Yaong hindi nagkasala ay kanyang inaring may sala dahil sa atin" (2 Cor. 5:21). Si Jesus ay "tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan" (Heb. 4:15). Hinamon ni Jesus ang kanyang mga kaaway: "Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan?" (Juan 8:46). Tunay nga na si Jesu-Cristo ay "ang Banal at ang Matuwid" (Gawa 3:14). Si Jesus ay walang kasalanan sa pagkat hindi siya gumawa ng anomang kamalian at siya'y gumawa ng mabuti at karapatdapat (Gawa 10:38).

Maraming iba't ibang patotoo na si Jesus ay walang kasalanan. Ang mga ito'y galing sa kanyang mga kaibigan at mayroon din galing sa mga taong walang pakialam kay Jesus. Ang nakapagtataka sa lahat ay ang mga patotoo na galing sa mga taong hindi sumasangayon sa kanyang layunin. Narito ang mga patotoo na si Jesus ay walang kasalanan:

Patotoo ng mga kaibigan

Pedro - Luc. 5:8; ! Ped. 1:19; 2:22; 3:18; Juan 6:69; Gawa 3:14
Juan - 1 Juan 2:1,29; 3:5,7; Gawa 4:27
Pablo - 2 Cor. 5:21
Ang sumulat sa Hebrew - Heb. 2:10; 4:15; 5:8-9; 7:26,28; 9:14
Esteban - Gawa 7:52
Ananias - Gawa 22:14
Mga unang Cristiano - Gawa 4:30
Ang angel na si Gabriel - Luc. 1:35

Patotoo ng mga kaaway

Mga Pinuno ng mga Judio - Mat. 26:55-59; Mar. 14:48-56; Luc. 22:52-53; Juan 18:20-21
Judas - Mat. 27:4
Mga demonio - Mar. 1:245; Luc. 4:34

Patotoo ng mga walang kinikilingan

Pilato - Mat. 27:18, 23-24; Mar. 15:14; Luc. 23:4, 14-15, 22; Juan 18:38; 19:4-6
Asawa ni Pilato - Mat. 27:19
Ang tampalasan sa cross - Luc. 23:41
Ang senturion - Luc. 23:47

Patotoo ni Jesus

Juan 8:46; 14:30; 15:25; 18:23
Ang ganap niyang pagsunod sa Ama - Juan 4:34; 5:30; 6:38; 7:18; 8:29,55; 15:10; 17:4; Luc. 22:42; Heb. 10:5-7

Maaring ang patotoo ni Jesus ay siyang pinakamahalaga sa lahat. Mga taong mabuti ay silang lalong nakakapuna sa kamalian nila. Mga taong masama ay kanilang minamaliit maging ang kanilang malaking kasalanan. Ang panloob na pagkatao ni Jesus ay hindi nagpapakita ng anomang kamalayan ng masama na kanyang nagawa sa kanyang buhay. Ang kanyang patotoo na wala siyang kasalanan ay siyang pinakamalaking kahangalan o ito'y totoo. Siya'y isang sira, sinungaling o siya ang Panginoon. Ang lahat ng mga patotoo ay nagpapatibay na si Jesus ay walang kasalanan, kung kaya't ang mga Cristiano'y sumasampalataya na siya ay ganap at walang dungis. Ngayon makikita na natin ang malaking kahalagahan ng kanyang pagkawalang kasalanan sa pagsusuri natin sa kanyang gawain bilang haing pantubos sa ating mga kasalanan.

Ang Pagtubos

Ang pagtubos ay tumutukoy sa pagalis ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Jesus sa krus. Kung hindi mo pa nabasa ang tungkol sa pagbata at kamatayan ni Jesus sa krus, maari mong basahin ang isa o lahat ng nakatala sa mga evangelio (Mat. 27:27-52; Mar. 15:16-39; Luc. 23:26-48; Juan 19:16-37). Inihanda ng Dios ang tao sa pagunawa ng pagtubos sa pamamagitan ng iba't ibang hain na kanyang iniutos sa mga Judio sa panahon ni Moises (Rom. 15:4; 1Cor. 10:6). Isang halimbawa ay ang utos ng Dios sa mga Israelita na maghain ng korderong walang dungis upang maligtas sa tiyak na kamatayan ang bawat panganay na anak ng bawat pamilya sa Egipto. Iniutos sa kanila na iwisik ang dugo ng kordero sa pintuan ng kanilang bahay at sa pagdaan ng anghel ng kamatayan ay kanyang iiwasan ang bawat bahay na ang pintuan ay may dugo ng kordero. Ditoy inilarawan ng Dios ang naganap sa takdang panahon na sa pamamagitan ng dugo ni Jesus na nabubo sa krus tayo'y iniligtas sa kamatayang walang hanggan.

Isa pang aral sa pagtubos sa Lumang Tipan ay ang Araw ng Pagtubos sa mga Judio. Gumamit ang mga Judio ng dalawang kambing. Ang isa ay hain at ang dugo nito'y iwinisik sa templo. Sa isa pang kambing ay ipapatong ang mga kamay ng Dakilang Saserdote at kanyang ipapahayag ang mga kasalanan ng mga tao na para bagang inililipat niya ang mga kasalanang ito sa kambing na siya namang pakakawalan sa ilang. Sa pagkaunawa ng mga tao'y ang kanilang mga kasalanan ay inalis sa kanila at tangay ng pinakawalang kambing na siyang itataboy sa ilang. Ayon sa pagkaunawa ng mga tao, ang kanilang mga kasalanan ay inalis. Ang pagbubo ng dugo at ang pag-alay ng buhay ay siyang naging kasangkapan upang alisin ang kasalanan. "At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran" (Heb. 9:22). Si Cristo ay siyang ating hain na pantubos at siya rin ang nagalis sa ating mga kasalanan noong ang mga ito'y dinala niya sa krus: "Na siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kanyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan, ay mangabuhay tayo sa katuwiran; na dahil sa kanyang mga sugat ay mangagsigaling tayo" (I Ped. 2:24).

Ang mga hain sa Lumang Tipan ay sadyang hindi sapat na lunas sa pagkakasala ng tao. Ang mga ito'y sadyang pansamantala lamang sa kapanahunang paghahanda sa pagsugo ng Dios ng kanyang Anak sa mundo (Gal. 3:23-25; 4:4). Ang mga ito'y itinalaga upang ang tao'y turuan na tumalima sa Dios at magtiwala sa kanyang mga pangako. Sa mga haing ito itinuro ng Dios sa tao ang halaga ng pagtubos, ang pagbigay ng buhay ng isa upang iligtas ang buhay ng iba. Sa sulat sa mga Hebrew ay sinabi, "Sa pagka't di maaari na ang dugo ng mga baka at ng mga kambing ay makapag-alis ng mga kasalanan" (Heb. 10:4). Nguni't ang dugo ni Cristo at ang paghain ng kanyang buhay sa krus ay siyang nag-alis sa ating mga kasalanan. Noong makita ni Juan Bautista si Jesus, kanyang ipinahayag: "Narito ng Kordero ng Dios na nag-aalis ng kasalanan ng sanglibutan" (Juan 1:29). Sa halip na maghain ng isang hayop para sa kasalanan ng sanglibutan, inihain ni Jesus ang kanyang sarili: "Ngunit siya'y napakitang minsanan para sa lahat sa pagwawakas ng mga panahon upang pawiin ang kasalanan sa paghahandog niya ng kanyang sarili" (Heb. 9:26).

Isa pang dakilang aral sa pagtubos ay matatagpuan sa Lumang Tipan sa Isaias 52:13-53:12 na siyang kilalang mga talatang ukol sa pagbata ng isang alipin. Ang mga talatang ito'y inukol kay Jesus sa Bagong Tipan (Gawa 8:32-35). Inilarawan sa Isaias 53 ang pagbata ng walang salang alipin ng Dios (Isa. 53:7,9), si Jesus na walang sala. Ang pagbata ng alipin ay lubos, na ganoon nga ang pagbata ni Jesus sa krus (Isa. 53:6,10; Gawa 2:23; I Ped. 1:20). Ang pagbata ng alipin ay para sa iba, na ganoon nga ang pagbata ni Jesus (Isa. 53:4-6; II Cor. 5:21). Ang pabata ng alipin ay matagumpay, na ganoon nga ang pagbata ni Cristo (Isa. 53:11-12; Rom. 8:37; I Cor. 15:54-57). Sa kamatayan ni Cristo ay natamo natin ang tagumpay sa kasalanan, sa kamatayan at sa diablo (Heb. 2:14; Col. 2:14-5).

Bago pa man maganap, inihayag ni Jesus ang kanyang pagkamatay sa ganitong mga salita: "Ito ang aking dugo ng bagong tipan na mabubuhos dahil sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan" (Mat. 26:28). Sinabi ni Pablo na ang kamatayan ni Jesus ay "siyang inilagay ng Dios na pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo" (Rom. 3:25). Sinabi ni Pedro sa mga Cristiano na sila'y tinubos o binili mula sa pagkaalipin sa kasalanan: "Ang itinubos sa inyo ay ang mahalagang dugo ni Cristo, ang Korderong walang dungis at kapintasan" (I Ped. 1:19). Sa pamamagitan ng kanyang dugo ay tinubos ni Cristo "ang mga tao para sa Dios mula sa bawat lipi, wika, bayan at bansa" (Apo. 5:9; cf. Efe. 1:7; 5:25; Mar. 10:25; Gawa 20:28; I Cor. 6:19-20; I Juan 1:7).

Ang kamatayan ni Jesus ay para sa lahat ng mga tao. Nagkakamali ang mga iba na nagtuturo na si Jesus ay namatay para lamang sa mga pinili ng Dios na maligtas. Ang sabi nila'y ang pagtubos ay para lamang sa mga ito. Ngunit ang sinasabi ng Biblia ay namatay si Jesus para sa buong mundo ( Juan 1:29; 3:16-17; 4:42; II Cor. 5:19; I Juan 2:2; 4:14). Siya'y namatay para sa "lahat," ( II Cor. 5:14; I Tim. 2:6; Heb. 2:9; Tit. 2:11), para sa mga makasalanan (I Tim 1:15; Rom. 5:6-8) at para sa mga minsan ay tinubos ngunit mapapahamak sa pagtanggi sa Kaitaastaasang Panginoon na bumili sa kanila (II Ped. 2:1). Ito'y ayon sa kalooban ng Dios na kagustuhan niyang ang lahat ay maligtas ( I Ped. 3:9; I Tim. 2:4). Bagama't si Jesus ay namatay para sa lahat ng tao, hindi lahat ng tao ay maliligtas. Ang pagtubos ay para sa lahat ngunit iilan lamang ang sasampalataya at maligtas (I Tim. 4:10).

Sa halip na tayo ang magdusa, si Jesus ang nagsilbing pantubos sa ating mga kasalanan. Si Jesus ay walang kasalanan. Siya'y sakdal at walang dungis o kapintasan. Hindi siya dapat magdusa at mamatay. Ngunit siya ang humalili sa atin at kanyang dinala ang ating mga kasalanan sa kanyang sarili. Siya'y namatay para sa atin. Sa pamamagitan niya tayo'y muling may pakikisama sa Dios, nang alisin niya ang kasalanan na siyang namaghiwalay sa atin sa Dios (Isa. 59:1-2). Ipinaliwanag ni apostol Pedro: "Sa pagkat si Cristo'y namatay minsan para sa lahat, ang walang kasalanan para sa makasalanan, upang ilapit kayo sa Dios" (I Ped. 3:18). Si apostol Pablo ang nagpaliwanag ng ganito:

"Noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa makasalanan. Bihira ang taong mag-aalay ng buhay para sa isang matuwid bagaman maaring may gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinakita ng Dios ang kanyang pagibig sa atin. Noong tayo'y makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin. Yamang pinawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Dios sa pamamagitan niya. Sa pagkat kung noong kaaway pa tayo ng Dios ay napagkasundo tayo sa kanya sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo na tayong maliligtas ngayon sa pamamagitan ng kanyang buhay pagkat naging kasundo tayo" (Rom. 5:6-10).

Ito ang dahilan kung bakit si Cristo lamang ang pag-asa ng kaligtasan para sa lahat ng tao: "At ang kaligtasan ay di masusumpungan kaninuman, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao para sa ating ikaliligtas" (Gawa 4:12). Walang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan niya (Juan 14:6).

Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Rom. 6:23), ngunit hindi hiningi ng Dios ang kamatayan ng isang walang sala na labag sa kalooban nito. Hindi sinabi ng Dios, "mag-alay kayo ng isang sanggol na bagong panganak." Sa halip, ang Dios Anak ay naging tao na ipinganak ng isang virgin. Ang Anak ng Dios ay nabuhay na walang kasalanan. Ang Dios mismo ang nagbigay ng alay para sa ating kasalanan. Ipinakita ng Dios ang kanyang pagibig sa pamagitan ng pagkamatay ni Cristo sa krus (Juan 3:16; Rom. 5:8; Efe. 5:25). Ito ang dahilan kung bakit binibigyang halaga ang kamatayan ni Cristo sa krus sa pangangaral ng mga Cristiano (I Cor. 1:23; 2:2; 15:1-4; Gal. 6:14). Bilang mga Cristiano, pinasasalamatan natin ang dakilang biyaya ng Dios sa pagbigay niya sa atin ng kanyang Bugtong na Anak. Ang pagibig ng Dios ay siyang nag-udyok sa atin upang mabuhay na malinis at marangal (Mar. 8:34-37; I Juan 4:19; II Cor. 5:14-15; Juan 12:32; 15:13; Fil. 2:5-8; 3:10; I Ped. 2:21; He. 12:1-3). Bilang mga Cristiano, hindi natin ipinagmamalaki na tayo'y katangi-tangi. Magmapuri tayo sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo (Gal. 6:14; II Cor. 4:5).

Ang Pagkabuhay Mag-uli ni Jesus

Pagkatapos mamatay si Cristo sa krus, siya'y inilibing sa isang libingang tinakpan ng malaking bato. Sa labas ng libingan ay may mga sundalong nakabantay. Ngunit sa umaga ng unang araw ng linggo, si Cristo ay nabuhay mag-uli at iniwan ang libingan (Mat. 28:1-15; Mar. 16:1-18; Luc. 24:1-49; Juan 20:1-29; Gal. 1:1; Efe. 1:20). Hindi dapat ihalintulad ang muling pagkabuhay ni Jesus sa aral ng muling pagkasilang sa laman (reincarnation) o pagkalipat (transmigration) ng kaluluwa sa ibang katawan. Hindi tayo ipinanganak sa laman at ipanganganak muli sa laman ng paulit-ulit upang mabuhay ng iba't ibang buhay. Minsan lamang tayo mabuhay at mamatay (Heb. 9:27). Pagkatapos nito tayo'y mabubuhay maguli mula sa kamatayan upang humarap sa Dios sa paghukom at tanggapin ang hatol kung saan ang ating hantungang walang hanggan (Juan 5:28-29).

May sapat na batayan ang pananampalataya ng mga Cristiano na si Jesus ay nabuhay sa mga patay. Walang laman ang kanyang libingan at ang kanyang katawan ay hind maaaring ninakaw (Gawa 2:29; Mat. 28:13). Sa totoo'y maraming testigo ang nakakita kay Jesus nang muling nabuhay siya (Gawa 2:32; Juan 20:27-28; I Cor. 15:4-7). Ang kapunapunang pagbagbago sa buhay ng maraming mga tao ay maipapaliwanag lamang ng pagkabuhay maguli ni Cristo. Dahil sa pagkabuhay maguli ni Cristo, marami ang sumampalataya sa kanya at marami ang nagkaroon ng lakas ng loob na mangaral (Juan 7:5; Gawa 1:14; 4:13-21; 5:42). Ang kamanghamanghang pagbabago ni Saulo ng Tarsus, na pagkatapos ay lalong kilalang si apostol Pablo, ay maipapaliwanag lamang sa pananampalataya niya sa pagkabuhay maguli ni Cristo (I Cor. 15:8-10; Gawa 9:1-22; 22:1-16).

Tayo'y tumugon sa pananampalataya sa katotohanan ng pagkabuhay maguli ni Jesus (Juan 20:27; Rom. 10:9-10). Tayo'y dapat mabautismuhan na kahalintulad ng pagkamatay, pagkalibing at pagkabuhay maguli ng ating Panginoon (Rom. 6:1-6; Col. 2:12; I Ped. 3:21). Dapat tayong mahikayat na sumamba kay Cristo dahil sa kanyang pagkabuhay maguli na siyang nagpatunay na siya ang Panginoon (Mat. 28:9,17; Rom. 1:4; Juan 20:28). Dapat tayong magkaroon ng malaking kagalakan dahil ang kanyang pagkabuhay maguli ay nagbigay sa atin ng pagasa (Mat. 28:8; Juan 20:20; Rom. 6:9). Ang kanyang pagkabuhay maguli ay patotoo galing sa Dios na tayo rin ay mabubuhay maguli sa katapusan ng mundo (Rom. 8:29; 14:9; I Cor. 15:20,23,51-54; Efe. 2:6; Col. 1:18; II Tim. 1:10; Apo. 1:5, 17-18). Kung si Cristo ay hindi nabuhay maguli, tayo'y nawawala at lahat na ginagawa natin sa kanyang pangalang ay pawang walang kabuluhan (I Cor. 15:14-19). Sa pamamagitan ng pagkamatay at pagkabuhay maguli ni Jesus ay ibinigay ng Dios ang ating kaligtasan (Rom. 4:25; I Ped. 3:21). Kung kilala natin si Cristo at ang kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay maguli, makakamtan natin ang pagkabuhay maguli at ang tahanan sa langit (Fil. 3:10; cf. Juan 14:19; Rom. 8:11; I Cor. 6:14; II Cor. 4:14; I Tes. 4:14; I Ped. 1:3).

Ang iglesia ng unang siglo ay nangaral ng marami tungkol sa krus ni Cristo at sila'y nangaral din ng marami tungkol sa pagkabuhay maguli ni Cristo (Gawa 2:24,31; 4:2,10; 5:30;13:3-33,37: 26:22-23). Ang totoo'y bahagi ito ng misyon ng iglesia na ipangaral ang pagkabuhay maguli ni Jesus sa mga patay (Luc. 24;48; Gawa 1:8; 2:32; 3:15; 4:33; 5:32; 10:39-41; 13:47; I Cor. 11:26).

Ang pagkabuhay maguli ni Jesus ay sinundan ng kanyang pagakyat sa langit (Luc. 24:50-53; Gawa 1:6-11). Ang pagpapakita ni Jesus pagkatapos ng kanyang pagkabuhay maguli ay huminto lamang noong siya'y umakyat sa langit kung saan siya'y niluwalhati ng Dios Ama (Gawa 2:32-36; 7:56; Col. 3:1-2; Heb. 1:3; 8:1). Pagkatapos talakayin ang kamatayan sa krus, ganito naman ang sinabi ni apostol Pablo tungkol kay Cristo:

"Kaya naman itinampok siya ng Dios sa pinakamataas na dako at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng mga pangalan, upang sa pangalan ni Jesus, ay iluhod ang bawat tuhod ng mga nasa langit, ng mga nasa ibabaw ng lupa, ng mga nasa ilalim ng lupa, at bawat dila'y magpahayag na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama" (Fil. 2:9-11).

Dahil sa kanyang buhay na sakdal at ang kanyang kamatayan sa krus, binuhay ng Dios si Cristo mula sa libingan at ibinigay sa kanya ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa (Mat. 28:18). Si Cristo ang siyang ulo ng iglesia (Eph. 1:20-23; Col. 1:16-18; Gawa 4:11; I Ped. 2:7; Mar. 12:10). "Itinaas siya ng Dios sa sarili niyang kanang kamay bilang Prinsipe at Tagapagligtas" (Gawa 5:31). Ito'y nangangahulugan na si Cristo'y buhay at nasa kanya ang lahat ng kapamahalaan at siya ang namamagitan para sa atin sa langit (Rom. 8:24; Heb. 1:3; 7:25; 8:11,34; I Juan 2:1). Si Cristo ay siyang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon (Luc. 1:32-33; Apo. 17:14: 19:16). Kung alaalahanin natin si Cristo na nasa kanang kamay ng Ama sa langit, dapat tayong tumalima sa Dios at ituon ang ating mga isip sa mga bagay na espiritual at hindi sa mga bagay na makamundo (Col. 3:1-2).

Sa Biyaya Naligtas

Sapagkat karapatdapat sa atin ang kamatayan at kaparusahan dahil sa ating mga kasalanan, ang kaligtasan ay dulot ng biyaya ng Dios. Ang awa na hindi karapatdapat igawad ay siyang tinatawag na biyaya. Maaring ang pinakadakilang kwento ay ang tungkol sa anak na nawawala (Luc. 15:11-32). Kinuha ng anak na ito ang kanyang mana at umalis ng tahanan. Iwinaldas nito ang pira sa makasalanang pamumuhay. Noong wla na siyang pira at nagugutom, naisipan niyang umuwi sa pagbabakasali na maari siyang magtrabaho bilang alipin ng kanyang ama. Hindi siya karapatdapat pansinin pa ng kanyang ama ngunit siya'y tinanggap muli bilang isang anak.

Kailan man ay hindi natin kakayaning iligtas ang ating sarili. Hindi natin kayang bayaran ang ating pagkakasala. Wala tayong maaring gawin upang ilagay sa pagkakautang ang Dios. Maari tayong maglingkod sa Dios at gumawa ng mabuti ngunit ito'y tungkulin natin at sa gayon ito'y hindi kailangang suklian. Kung tayo'y magpakabuti, gaya lang tayo ng alipin sa talinghaga ni Jesus: ". . .ginawa lamang namin ang aming tungkulin" (Luc. 17:10). Ito ang itinuturo ng Biblia sa pagsasabing tayo'y hindi maliligtas sa pamamagitan ng ating mga gawa (Gal. 2:16). Kung ang kaligtasan ay sa mga gawa, ito'y magiging pagkakautang sa atin at hindi na ito sa biyaya ng Dios (Rom. 4:1-8). Gaya ng sinabi ni Pablo: "Kung sa pamamagitan ng biyaya, hindi sa pamamagitan ng gawa. Pagkat kung sa pamamagitan ng mga gawa, hindi masasabing biyaya" (Rom. 11:5-6; cf. II Tim 1:9).

Upang maligtas, tayo'y kinakailangang magpakababa. Kung tayo ay maligtas sa pamamagitan ng sarili nating kakayahan, hindi tayo magpakababa kundi mapagmataas. Maari nating ipagmalaki ang ating nagawa upang maligtas. Kaya nga hindi dapat magmalaki sapagkat tayo'y sa biyaya naligtas (Rom. 3:27; Efe. 2:6-8). Si Apostol Pablo ay isang halimbawa ng isang taong may karapatang magmapuri sa sarili dahil sa mga sariling kakayahan at katangihan (II Cor. 11:1-12:13). Ngunit ang sabi ni Pablo: "Ngunit dahil sa kagandahang-loob ng Dios, ako'y naging ako" (I Cor. 15:10). Ano ang ipinagmapuri ni Pablo? ""Huwag nawa akong magmapuri maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo" (Gal. 6:14). "Ang Panginoon ang ipagmalaki ng sinumang ibig magmalaki" (I Cor. 1:31; cf. II Cor. 2:17).

Ang kaligtasan ay sa biyaya sa pagkat ito'y bigay ng Dios na walang kabayaran. Sinabi ni Pablo na tayo'y "pinawalang-sala ng Dios sa pamamagitan ng kanyang biyaya at sa pagtubos na isinagawa ni Cristo Jesus" (Rom. 3:24). Kung ang kaligtasan ay bigay ng Dios na walang bayad, ibig bang sabihin nito na wala na tayong dapat gawin upang maligtas? Sa kabuuan ng aklat na ito'y aking ibabahagi sa inyo kung ano ang dapat gawin ng isang tao upang maligtas. Ngunit sa ngayon ay ating paguukulan ng pansin kung bakit mayroon pa tayong gagawin upang maligtas sa kabila ng katotohanang ang kaligtasan ay bigay ng Dios na walang bayad.

Bagamat ang kaligtasan ay bigay ng Dios na walang bayad, ito'y kinakailangang tanggapin natin upang ito'y maangkin natin sa ating buhay. Ang kaligtasan ay sa biyaya, ngunit ito'y sa pamamagitan ng pananampalataya (Efe.2:8). Sa mga sumusunod na pahina ay malalaman natin na kailangan din natin ang magsisi at sumunod sa Dios kung gusto nating maligtas. Ano ang magliligtas sa atin? Ating pananampalataya o ang biyaya ng Dios? Ating pagsunod o ang biyaya ng Dios? Kailangang maipaliwanag na walang pagkasalungat. Halimbawang sa isang tanghali ay kasama mo ang dalawang kaibigan sa silid mo. Tinanong mo sila kung bakit may liwanag sa silid. Sinabi ng isa: "Sa pagkat may bintana." Ang isa naman ay nagsabing "May liwanag sa silid sa pagkat may araw sa labas." Sino ang tama? Pareho silang tama. Ang liwanag ay galing sa araw sa labas at sa bintana ito pumasok sa silid. Ang araw ay siyang pinanggagalingan ng liwanag at ito'y nakakapasok sa silid sa pamamagitan ng bintana.

Ganyan din ang kaligtasan. Gaya nga ng araw na siyang nagbibigay ng liwanag, ang ating kaligtasan ay galing sa Dios, kay Cristo, sa Espiritu Santo, sa dugo ni Cristo, sa biyaya ng Dios. Ngunit hindi ipinipilit ng Dios ang kaligtasan sa tao. Kinakailangang bigyan daan ang biyaya ng Dios sa ating buhay upang tayo ay maligtas. Ano ang "bintana" upang ang kaligtasan ay makapasok sa ating mga kaluluwa? Ito'y pananampalataya (Efe. 2:8; Rom. 5:1-2). Ito'y pagsisi (Luc. 13:3). Ito'y pagpapahayag (Rom. 10:9,10). Ito'y pagkabautismo (Mar. 16:16). Sa pangkalahatan, ito'y pagtalima sa Dios (Heb. 5:9). Ang paggawa sa mga ito'y hindi kabayaran ng kaligtasan kundi paraan ng pagtanggap sa kaligtasang kaloob ng Dios na walang bayad. Gaya ng isinulat ni Pablo: "Iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mabubuting gawa natin, kundi dahil sa kanyang kahabagan . . . sa pamagitan ng paglilinis ng muling kapanganakan at pagbabagong likha ng Espiritu Santo" (Tit. 3:5; cf. Gawa 2:38; 22:16; I Ped.3:21).

Ang kaligtasan sa biyaya ay hindi ibig sabihin na tayo'y walang dapat gawin upang ito'y tanggapin at upang gawin natin ang ating bahagi sa pamumuhay na mabuti. Huwag sanang pagsamantalahan ang biyaya ng Dios at akalaing maari pang magpatuloy sa pagkakasala. Tatapusin natin ang bahaging ito sa aral ng biyaya sa mga katagang nagmula kay apostol Pablo: "Sapagkat sa biyaya kayo naligtas, sa pamamagitan ng pananampalataya-at ito'y hindi mula sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios-hindi sa pamamagitan ng gawa, upang walang sinumang magmapuri" (Efe. 2:8-9).

Ang Pananampalataya

Sapagkat naligtas tayo sa "pamamagitan ng pananampalataya" (Efe. 2:8: Rom. 1:16), mahalagang maunawaan natin ang bagay na ito. Sinabi ni Jesus, "Malibang kayo'y sumampalatayang ako'y si Ako Nga ay mamatay kayo sa inyong mga kasalanan" (Juan 8:24; cf. Gawa 15:9). Kailangang sumampalataya tayo na may Dios (Heb. 11:6). Kailangang sumampalataya na si Jesus ay siyang Anak ng Dios (I Juan 5:1; Rom. 10:9-10). Ipinangako sa atin na kung tayo'y sumampalataya kay Jesus, hindi tayo mapapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan (Juna 3:16,18,36; 6:35; 20:30-31; Gwa 10:43; 16:31). Tayo'y pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya (Rom. 3:24,28; 5:1; Gal. 2:16; 3:24). Kung ang pananampalataya ay napakahalaga sa kaligtasan, ano nga ba ito?

Ang pananampalataya, o paniniwala, ay nagsisimula sa kaalaman. Ito'y nagmumula sa pagtanggap ng katotohanan sa isip. Tinanong ni Pablo:

"Paano nila tatawagan ang hindi nila sinasampalatayanan? Paano nila sasampalatayanan ang hindi nila napapakinggan? At paano sila makapakikinig kung walang mangangaral? At paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo? . . . Kaya nga ang pananampalataya ay nagmumula sa pakikinig at ang mensahe'y napapakinggan sa pamamagitan ng salita ni Cristo" (Rom. 10:14-17).

Kaya't ang pananampalataya ay nagsisimula sa pakikinig ng tungkol sa Dios at si Jesu-Cristo at ang pagsang-ayon sa mga katotohanan ukol sa kanila. Ngunit ang uri ng pananampalataya na makapagliligtas ay higit pa rito. Ito'y panimula pa lamang. Halimbawa, maaring ako'y naniniwala na ang isang babai ay isang doktor na nag-aral sa panggagamot at ang kanyang pagsuri sa aking sakit ay tama. Maaring ako'y naniniwala na ang gamot na kanyang ibinigay ay makagagamot sa aking sakit. Ngunit lahat ng paniniwalang yan ay magiging walang kabuluhan kung ako'y walang tiwala sa doktor upang tanggapin ang gamot na galing sa kanya. Ganoon din, ang pananampalatayang may Dios ngunit walang tiwala upang sundin ang Dios ay hindi sapat. Gaya ng sinabi ni Santiago: "Ang mga demonio ma'y nanampalataya rin - at nanginginig pa" (San. 2:19). Ang mga demonio ay naniniwala na may Dios. Takot pa sila sa kapangyarihan ng Dios at sila'y nanginginig sa takot ngunit hindi sila sumusunod sa Dios at hindi sila maliligtas.

Ang uri ng pananampalatayang makapagliligtas ay pananampalatayang may pagtitiwala-isang pagtatalaga ng sarili at paggawa ayon sa katotohanang pinaniniwalaan. Pansinin kung papanong ito'y ipinakita sa mga bayani ng pananampalataya na mababasa sa Biblia (Heb. 11:1-38). Kung ang ating pananampalataya ay sa isip lamang, ito'y patay na pananampalataya at hindi makapagliligtas (San. 2:14-26). Ang pananampalataya natin ay dapat kalakip ang paggawa (Gal. 5:6). May magsasabi sa iyo na ang kailangan mong gawin ay lumagda sa isang salaysay sa isang aklat na ikaw ay sumasampalataya kay Jesus bilang anak ng Dios. Ngunit higit pa dito ang tunay na pananampalataya kay Jesus. Ito'y nangangahulugan ng pagbabago sa iyong pananaw, sa iyong gawain at sa iyong pamumuhay. Kinakailangang mabuhay ka sa pananampalataya sa pamamagitan ng pagtalima kay Cristo araw-araw. "Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kanya (Juan 3:36).

Ang Pagsisisi

Ang pagsisisi ay isang mahalagang bahagi ng pangangaral ni Jesus tungkol sa kaharian ng Dios (Mat. 3:2; 4:17; Mar. 1:15; 6:12). Ito'y madalas na bahagi ng pangangaral ng unang iglesia (Gawa 2:38' 3:19; 26:20). Bago umakayat sa kalangitan si Jesus, ay sinabi niyang "ipangaral ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa" (Luc. 24:47). Dahil lahat ay nagkasala, ang pagsisi ay para sa lahat. Sinabi ni Pablo na ipinagutos ng Dios "sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako" (Gawa 17:30). Ang pagsisisi ay mahalaga sa pagkat bahagi ito ng dapat nating gawin upang maligtas (Gawa 2:38; 3:19; 11:18). Kaya't nais ng Dios na ang lahat ay magsisi, at mapagpahinuhod siyang nagbibigay ng pagkakataon upang ito'y magawa natin (II Ped. 3:9). May tuwa sa langit na dulot ng pagsisisi ng isang makasalanan (Luc. 15:7,10).

Ano ang pagsisisi? Ang pagsisisi ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay "pagbabago ng isip, pagkalumbay, pagpanumbalik, pagbabago, ang simula ng isang makadios at makatarungang pamumuhay." Kasama ng pagsisi ang pagkalungkot sa kasalanan. "Sa pagkat ang kalumbayang mula sa Dios ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas na hindi ikalulungkot " (II Cor. 7:10), ngunit marami ang nalilito tungkol dito. Mayroong iba't ibang pagkalumbay. Maraming tao ang malungkot kung sila'y nahuhuli sa kasalanan. Maraming malungkot kung sila'y parusahan dahil sa kanilang kasalanan. Ngunit kung hanggang dito lamang ang ating kalungkutan, hindi tayo nagsisisi. Kinakailangang malungkot tayo at handang magbago (Mat. 21:28-31). Magbago tayo ng landas ng buhay. Pansinin natin ang madalas mabanggit sa Biblia na sa pagsisi ng tao ay nakikita ng iba ang kanilang pagbabago (Mat. 3:8; Luc. 3:8; Gawa 26:20). Madaling ipaliwanag ang pagsisi ngunit hindi madaling gawin. Ang pagsisi ay siyang paghinto natin ng pamumuhay para sa sarili at ang pagsimula nating mabuhay para sa Dios.

Ang Pagtalima

Kung sabihin ng isang anak na lalaki na mahal niya ang kanyang ama ngunit hindi siya tumatalima sa kanya, ang kanyang gawa ay hindi tumutugma sa kanyang sinasabi (Mat. 21:28-31). Ang pagtalima kay Cristo at sa Dios ay hindi maaring ipagwalang bahala. Kung iibigin natin ang Dios, kailangan ang pagtalima sa kanya. Walang ibang paraan upang ipakita natin ang ating pagibig kundi ang pagtalima: "Sa pagkat ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kanyang mga utos" (I Juan 5:3; cf. I Juan 2:5; II Juan 6). Sinabi ni Jesus: "Kung ako'y inyong iniibig, ay tuparin ninyo ang aking mga utos" (Juan 14:15; cf. Juan 15:10). Ang ating mga kaluluwa ay nililinis sa pamamagitan ng pagtalima sa katotohanan (I Ped. 1:22). Ang kaligtasan ay para sa mga nagsisitalima (Heb. 5:9; Gawa 10:34,35). Ang kaparusahan ay ipapataw ng Dios sa mga "hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus" (II Thes. 1:7-9).

Ang pagpapahayag ng pananampalataya at ang pagtawag sa pangalan ng Dios ay hindi sapat. Sinabi ni Jesus: "Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit" (Mat. 7:21). Huwag mong isipin na napakabigat ang pagtalima sa Dios. Ang pagtalima ay tiyak na kailangan sa kaligtasan at ito'y maari mong magampanan kung tunay na ikaw ay sumasampalataya at umiibig sa Panginoon. Sinabi in Juan na ang mga utos ng Dios ay hindi mabibigat (I Juan 5:3). Sa pagkaalam mong si Cristo ay pumarito sa mundo at namatay sa krus dahil sa iyo, gugustohin mong tumalima sa kanya at ito'y magagawa mo na may kagalakan.

Ang Malayang Kalooban

Ang kaligtasan ay bigay na walang bayad ng biyaya ng Dios, ngunit mayroong dapat gawin. Ang evangelio ay ipinapangaral, ngunit kailangan ang pananampalataya. Ang kapatawaran ng kasalanan ay igagawad na walang bayad, ngunit kailangan ang pagsisisi. Maawain ang Dios, ngunit kailangan ang pagtalima. Ang kaligtasan ay naganap na sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo sa krus ngunit ito'y nagkakabisa lamang sa buhay ng mga taong isinusuko ang sarili sa kalooban ng Dios. Sa Biblia, dalawa ang ibinigay na pagpipilian ng mga tao: ang daan ng buhay o ang daan ng kamatayan (Deut. 30:15; Gawa 2:40).Ibinigay sa atin ang kalayaang pumili kung alin ang atin susundin. Maari tayong sumunod kay Jesus o kaya'y itakwil siya (Juan 14:6; Matt. 11:28-30). Ang Dios ay nagbibigay ng maraming pabuya upang sundin ang tama. Sa kabila naman ginagawa niyang mahirap ang pamumuhay sa kasalanan upang hikayatin tayong magsisi. Ngunit ang Dios ay hindi namimilit ng tao na gumawa ng mabuti o masama.

Sa pagkat ang Dios ay nagutos na tayo ay sumampalataya, magsisi at tumalima ay nangangahulugan na tayo ay may kalayaan na sumunod o hindi. May mga taong nangangaral na walang kalayaan ang tao sa pagkat sadyang itinalaga ng Dios ang iba na sumunod at ang iba ay sumuway. May mga taong nagkakamali sa pangangaral na sadyang itinalaga ng Dios ang tao na maligtas o mapahamak at wala tayong kalayaang pumili ng ating kahihinatnan. Ngunit kung tayo ay mananagot sa kaniya ng ating kasalanan, ito'y nangangahulugan na tayo ang malayang gumawa ng kapasiyahan na sumuway sa kanya. Ang Biblia ang nagsasabi na tayo ay maaring pumili ng tama o mali (San. 4:17; Juan 7:17; Gawa 13:36). Tinatawag tayo ng Dios sa isang pamumuhay na tumatalima sa kanya upang matamo ang kaligtasan ( I Tes. 2:12; I Tim. 6:12; Heb. 9:15; I Ped. 2:9), at ang pagtawag ay sa pamamagitan ng pangangaral ng evangelio (I Tes. 2:14). Piliin natin ang tumugon sa panawagan ng Dios sa pamamagitan ng ating pagsisi na siyang pagbabago ng ating isip, puso't kalooban.

Hindi itinalaga ng Dios na tayo ay sumampalataya o hindi, na tayo ay magsisi o hindi. Tayo ay binigyan ng kalayaan upang magpasiya at gawin ang ating pipiliin. Ipinapahayag ng Biblia na may mga bagay na itinalaga ng Dios. Itinalaga ng Dios na si Cristo ay pumarito upang iligtas niya tayo sa ating mga kasalanan (Gawa 2:23; I Pet. 1:18-20). Binabanggit sa Biblia na may mga bagay na itinalaga ng Dios, ngunit hindi itinalaga na ang isang tao'y maligtas at ang isa nama'y mapahamak. Itinalaga ng Dios na ang lahat na sumampalataya kay Cristo at tumalima sa kanya ay maliligtas (Rom. 8:28-30; Efe. 1:4-5,11; II Tes. 2:13; I Ped. 1:2-3).

Gamitin nating halimbawa ang isang guro sa paaralan upang lalong maliwanagan natin ang aral ukol sa pagtatalaga (predestination). Kung magpapasiya ang guro kung sino ang papasa at sino ang lalagpag na hindi nagbibigay ng pagkakataon na magaral at pumasa sa eksamin ang mga nagaaral, ito'y hindi makatarungan. Ngunit kung pagkatapos ng sapat na panahong pagaaral sila'y bigyan ng pagsusulit at ang guro ay magpapasiya na ang makakuwa ng 90-100 ay bibigyan ng "A," ang makakuha ng 80-89 ay bibigyan ng "B" at ang kapasiyahang ito'y ginawa bago pa man sila binigyan ng pagsusulit, ito'y tama at makatarungan. Ang Dios din ay gumawa ng kapasiyahan bago pa man dumating ang paghuhukom na ang lahat ng mga tao na sumampalataya kay Jesus at mabuhay alinsunod sa kalooban ng Dios ay maliligtas ngunit ang lahat ng mga taong hindi sumunod kay Cristo ay mapapahamak. Ibinigay ng Dios ang kalayaan sa tao upang piliin ang daan tungo sa buhay na walang hanggan o ang daan tungo sa walang hanggang kapahamakan.

Ang Bautismo

Mahalaga ang bautismo sapagkat dito nagsisimula ang pagiging isang Cristiano at pagiging kasapi sa iglesia ng Panginoon. Ang katagang "bautismo" ay hango sa salitang "baptisma" at "baptidzo" sa salitang Grego na ang ibig sabihin ay paglubog. Kaya't ang pagbautismo ay ginaganap sa pamamagitan ng paglubog ng buong katawan sa tubig. Ito'y kaiba sa pagbuhos o pagwisik ng tubig. Maging sa pagbabasa ng Biblia ay madaling maunawaan na ang bautismo ay ginaganap sa pamamagitan ng paglubog ng buong katawan sa tubig. Ayon sa Biblia, ang bautismo ay naglalarawan ng pagkamatay ng isang tao sa kasalanan pagkatapos ng kanyang pagsisi. Siya'y inililibing sa tubig ng bautismo at doon naiiwan ang lumang pagkatao. Siya'y aahon sa tubig ng bautismo sa isang bagong buhay ng isang Cristiano, ang pamumuhay ayon sa kalooban ng Dios (Rom. 6:3-6; Col. 2:12).

Alam natin na noong unang siglo ang bautismo ay ginaganap sa paglubog sa tubig sa pagkat sila'y pumupunta sa pook na kung saan may maraming tubig (juan 3:23; Mar. 1:4-5; Gawa 8:36). Kung ang bautismo ay maaring ganapin sa pagwiwisik, maaring magdala na lang ng kunting tubig sa lalagyan. Hindi na sana kailangang dalhin ang magpapabautismo sa pook na kung saan may maraming tubig. Ang iba'y natatanong, "Anong kaibhan ng kunting tubig?" Hindi ang kadami ng tubig ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa utos ng Dios. Ang paglubog sa tubig ay tumutugma sa paglalarawan na tayo ay namamatay sa ating kasalanan, inililibing at nabubuhay ng bagong buhay.

Sino ang dapat magpabautismo? Ang bautismo ay para sa mga sumampalataya at nagsisi sa kasalanan (Mar. 16:16; Gawa 2:38). Ang bautismo ay para sa mga nagpasiya na maging Cristiano at sumunod kay Jesus. Ang mga sanggol ay hindi pa nakakaunawa sa mga bagay na ito. Ang pagbabautismo ng sanggol ay isang pag-uugali na napamahal na sa iba at nakasanayan na ng marami. Ngunit ito'y hindi iniutos ni Jesus o ginampanan ng mga apostol. Hindi kailangan ng sanggol ang bautismo. Ang isang sanggol ay walang kasalanan at siya'y inosente sa harap ng Dios (Mat. 18:2-4; 19:13-15; I Cor. 14:20; Deut. 1:39). Ang mga sanggol na mamatay ay pupunta sa langit.

May mga taong nagaakala na ang Efeso 2:3 at Salmo 51:5 ay nagpapatunay na ang mga bata ay may kasalanan mula sa pagkapanganak at kinakailangang mabautismohan upang maalis ang orihinal na kasalanan na minana mula kay Adan. Ngunit ang isinulat ni Apostol Pablo sa mga taga Efeso ay ang tungkol sa likas na pagkatao, at hindi tinutukoy ang kanilang pagkabata. Ang likas na pagkatao ay tumutukoy sa pagtataglay ng paguugaling naging bahagi na ng buhay ng isang tao at hindi tumutukoy sa kalagayan mula sa pagkapanganak (Mar. 3:17; Juan 12:36; Gawa 4:36; I Tes. 5:5; Efe. 2:2; 5:6,8). Tinutukoy ni Pablo ang naging pamumuhay ng mga taga Efeso na pinili ang kasalanan at ito'y siyang naging kanilang likas na pagkatao (Gal. 2:15; Rom. 11:21,24; I Cor. 11:14; Rom. 2:14). Sila'y naging makasalanan hindi dahil sa ipinanganak silang makasalanan kundi ito'y malayang pinili nila. Isa pa, ang Salmo 51:5 ay tinutukoy na sa pagkatao ni David siya ay maagang namulat sa pagkaalam ng kasalanan dahil sa laganap ang kasalanan sa mundo noong kapanahunan niya (cf. Isa. 48:8; I Sam 20:30).

Ang pangunahing dahilan kung bakit kinakailangan ng tao ang bautismo ay upang mapatawad ang kanyang mga kasalanan. Hindi kailangan ng bata ang bautismo. Ang bautismo ay walang kakayahang magligtas. Ang halaga nito'y nasa puso ng tao na nagtitiwala at tumatalima sa Dios (I Ped. 3:21). Ang pagbautismo sa isang sanggol na wala pang malay ay walang kabuluhan. Ito'y nagdudulot lamang ng kalituhan sa kanyang paglaki. Ang bautismo ay para sa mga may edad na na sumampalataya, magpahayag ng kanilang pananampalataya kay Cristo, magsisi sa kasalanan at magpasiya na sumunod kay Cristo (Gawa 8:12,36; 16:33; 18:8). Bakit kailangang mabautismuhan? Upang sumunod sa utos ng Dios at ni Cristo (Mat. 28:18-20), upang taggapin ang kapatawaran ng kasalanan (Gawa 2:38), upang mahugasan ang kasalanan (Gawa 22:16; Heb. 10:22), upang tanggapin ang Espiritu Santo (Gawa 2:38; 5:32; Rom. 8:15; II Cor. 1:22; 5:5 Gal. 4:6; Efe. 1:13-14), upang maligtas (Mar. 16:15-16; I Ped. 3:21), upang makipagisa kay Cristo (Rom. 6:3-6), upang ibihis si Cristo (Gal. 3:26-27), upang maging kasapi sa iglesia o katawan ni Cristo (Efe. 1:22-23; Gawa 2:41,47), at upang ipanganak muli sa pagbabago ng Espiritu Santo (Juan 3:5; Tit. 3:5).

Ang bautismo, kung walang pananampalataya at pagsisi, ay hindi makapagligtas. Hindi tayo maliligtas sa sarili nating gawa. Ang ating gawa ay hindi makapaglilinis ng ating kaluluwa (I Ped. 3:21). Ang bisa ng bautismo ay ang pagganap nito na may pananampalataya at pagtitiwala sa Dios, na tayo'y tumatawag sa kaniyang pangalan (Gawa 22:16; Rom. 10:13) at dumudulog sa Dios sa malinis na konsinsiya (I Ped. 3:21). Sa bautsimo iginagawad ng Dios ang bisa ng dugo ni Cristo na nabubo sa krus upang mahugasan ang kasalanan (Rom. 6:3-6). Sa bautismo tinatanggap ang pagasa ng pagkabuhay maguli ayon sa pagkabuhay maguli ni Cristo (I Ped. 3:21). Sa kasaysayan ng Cristianismo, ang bautismo ay kinikilalang siyang pagitan ng pagka-Cristiano at hindi pagka-Cristiano, ang pagiging sakop o hind sakop ng iglesia, at ang pagiging ligtas o hindi ligtas.

Bago ka mabautismuhan, maaring ikaw ay may sukat ng pananampalataya kay Cristo at maaring may sukat ding pagsunod sa kanya, ngunit ikaw ay hindi pa lubosang nakipagisa sa kanya habang ikaw ay hindi pa nagpapabautismo ( Rom. 6:3-6: Gal. 3:27). Ang bautismo ay gaya ng isang kasalan. Dito ipinapahayag ang pananampalataya kay Cristo at pinagtitibay ang pangako na maging tapat kay Cristo (I Tim. 6:12-13; I Juan 4:2-3,15; Mat. 10:32-33; Luc. 12:8-9; Rom. 10:9,10). Bago mabautismuhan, ikaw ay nasa labas ni Cristo at walang pagasa sa labas ni Cristo (Efe. 2:12). Ngunit pagkatapos ng bautismo, ikaw ay na kay Cristo at maging iyo "ang lahat ng pagpapalang espiritual" (Eph. 1:3), ang kaligtasan (II Tim. 2:10), ang kapatawaran ng kasalanan (Efe.1:7; Col. 1:14). Sa bautismo ay inililipat ka mula sa labas upang ipasok sa loob ni Cristo. Dito ibinibihis si Cristo (Rom. 6:3; Gal. 3:27).

Ang bautismo ay para lamang sa mga sumasampalataya kay Cristo (Mar. 16:16) na nagsisi sa kanilang mga kasalanan (Gawa 2:38) at nagpasiya na mabuhay na tapat kay Cristo (I Ped. 3:21). Kung ikaw ay sumasampalataya kay Cristo, dapat mong ibihis si Cristo sa bautismo upang ikaw ay maging isang Cristiano at kasapi sa kanyang iglesia. Paano mo ito gagawin? Hanapin mo ang iglesia at mangangaral na nagtuturo na ang bautismo ay paglubog sa tubig at magpabautismo ka. Kung makatagpo ka ng mangangaral na ang ituturo sa iyo ay wala sa Biblia o magsasabi sa iyo na ang bautismo ay hindi mahalaga at walang kinalaman sa iyong kaligtasan, buklatin mo ang iyong biblia at alamin na ito'y mahalaga (Gawa 2:38; 22:16; Mar. 16:16; I Ped. 3:21). Humanap ka ng taong maaring makatulong upang ikaw ay mabautismuhan ayon sa katotohanan.

Ang wastong bautismo ay ginaganap upang maging kalugodlugod sa Dios. Dahil dito'y dapat lamang na ito'y isagawa ng maayos. Maaring magsimula sa isang panalangin upang hingin sa Dios ang patnubay at pagtanggap sa taong mabautismuhan. Ikaw ay ilulubog sa tubig-sa dagat, sa lawa, sa ilog, sa sapa, sa palanguyan o sa isang lalagyan ng tubig na sapat upang ang iyong buong katawan ay mailubog sa tubig. Kung hindi mo pa naganap, maaring dito hihingin sa iyo na ipahayag mo na ikaw ay sumasampalataya kay Jesus na siya'y anak ng Dios. Bago ka tuluyang ilubog, sasabihin ng magbabautismo sa iyo, "Batay sa iyong pagpahayag ng pananampalataya kay Jesus, ikaw ay binabautismuhan ko sa pangalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo sa ikapagpapatawad ng iyong mga kasalanan." Maaring ikaw ay ilubog na nakatayo, nakaupo, pataob o patihaya-ang mahalaga ay lubog sa tubig ang iyong buong katawan. Pagkaahon sa tubig, maaring manalangin ulit upang magpasalamat sa Dios at upang hingin ang kanyang pagpapala at patnubay tungo sa paglago mo sa pananampalataya.

Pagkatapos ng bautismo, ikaw ay isang bagong panganak sa Dios (I Ped. 2:2). Ang Espiritu Santo ay pumasok sa iyong puso (I Cor. 6:11; Efe. 5:25-27; I Cor. 3:16-17; 6:19-20). Ikaw ay kasapi na sa iglesia na itinatag ni Cristo at binili niya ng kanyang dugo (Mat. 16:18; Gawa 20:28). Ang iyong pangalan ay nakasulat na sa aklat ng buhay upang tanggapin sa langit (Apo. 20:15). Ang iyong mga kasalanan ay nahugasan na (Gawa 22:16). Hindi ito nangangahulugan na ikaw ay hindi na maaring magkasala (Rom. 7:15-25). Darating pa rin sa iyo ang tukso. Ngayon at ikaw ay Cristiano na, hindi kailangan na ikaw ay bautismuhan tuwing ikaw ay magkasala. Kung ikaw ay magkasala, ito'y pagsisihan mo at manalangin sa Dios na patawarin ka (I Juan 1:6-8). Kailangan din na ikaw ay makipagtipon sa iglesia sa unang araw ng linggo upang sumamba sa Dios at makipagkaisa sa kapatiran. Bilang isang Cristiano, mabuhay kang tapat kay Cristo.

Ang Buhay Cristiano

Kung ikaw ay naging isang Cristiano, ipagpatuloy mo ang pamumuhay na kalugodlugod sa Panginoon. Kung ikaw ay hihiwalay kay Cristo at bumalik sa pamumuhay sa kasalanan, mawawala sa iyo ang kaligtasan. May mga nagtuturo ng maling aral na kung ikaw ay ligtas na, hindi ka na mawawala maging ano pa man ang gawin mo. Ito'y salungat sa nasusulat sa Biblia (I Cor. 9:27; l0:5-12; Gal. 5:104; I Tim. 4:1, 16; II Tim. 4:10; Heb. 3:12; 6:4-8; San. 5:19-20; II Ped. 2:20-22; Apo. 2:4-5; Luc. 8:11-15; Juan 15:1-14). Kung ang ligtas ay hindi na mawawala ano pa man ang kanyang gagawin, wala ng kabuluhan ang pananatiling tapat hanggang sa wakas. Ang biyaya ng Dios ay ibinigay hindi lamang upang tayo ay maligtas kundi upang tayo ay magbago sa ating ikabubuti. Isinulat ni Pablo: "Sa pagkat ang biyaya ng Dios na nagdudulot ng kaligtasan ay nahayag na sa lahat ng tao. Inaakay tayo nitong tumalikod sa likong pamumuhay at makamundong pagnanasa, at mamuhay na may pagtuturo sa sarili, matuwid at masunurin sa Dios sa kasalukuyang panahon (Tito 2:11-12).

Kung ikaw ay Cristiano na, paano ang iyong pamumuhay? Madalas noong unang panahon ang mga Cristiano ay itinuturing na kaanib "sa daan" (Gawa 9:2; 19:9,23; 22:4; 24:14, 22). Ang katagang "daan" ay nangangahulugan ng "paraan ng pamumuhay, paggalaw o pag-uugali" (BAGD, 553-55). Sinabi ni Jesus na siya "ang daan" (Juan 14:6), na sa pamamagitan niya tayo ay makarating sa langit. Ang pagsunod natin kay Jesus sa ating buhay ay siyang paglakad natin "sa daan." Sa pangangaral ng mga kasulatan, mayroong dalawang "daan." Mayroong "daan" na dapat nating sundin at mayroong "daan" na dapat nating iwasan. May tamang "daan" at may maling "daan," may daan ng karangalan o daan ng kahihiyan, daan tongo sa buhay o daan tongo sa kapahamakan, daan ng laman o daan ng Espiritu. Ang pamumuhay Cristiano ay daan ng katuwiran (II Ped. 2:21; cf. Mat. 7:13-14; Luc. 13:23-24).

Kung ang pamumuhay Cristiano ay isang "daan," ang buhay Cristiano ay paglakad sa "daan" na iyan at madalas gamitin ang katagang "lakad" sa biblia upang ilarawan ang pamumuhay Cristiano (BAGD, 649). Ganito ang pagkasabi ni apostol Juan: "Ang nagsasabing siya'y nananahan sa kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya" I Juan 2:6). Hindi tayo dapat lumakad ayon sa laman, sa kasalanan o sa kadiliman (Rom. 8:4; Efe. 2:1-2; 4:17; Col. 3:5-7; II Tes. 3:6,11; I Juan 1:6; 2:11). Lumakad tayo ayon sa Espiritu, sa kaliwanagan, o sa katotohanan (Rom. 8:4; II Cor. 5:7; Gal. 5:16; Efe. 2:10; 4:1; 5:2,8,15; Col. 1:10; 2:6; 4:5; Ites. 2:12; I Juan 1:7; II Juan 1:4,6; III Juan l:3,4).

May kataga sa Griego para sa "paraan ng pamumuhay, pag-uugali o pamamalakad" ng isang tao (BAGD, 61). Ang mga Cristiano ay dapat lisanin ang unang makasalanang pamumuhay (Efe. 4:22) at mamuhay na malinis kay Cristo (I Tim. 4:12; San. 3:13; I Ped. 1:15; 2:12; 3:1-2,16; II Ped. 3:11). Sinabi ni Pablo sa iglesia sa Efeso: "Tinuruang kayong iwan ang nakaraang paraan ng pamumuhay, na inyong hubarin and dating pagkataong pinasasama ng mga magdarayang pita nito" (Efe. 4:22). Sa halip, "magbihis ng bagong pagkataong nilalang ayon sa katuwiran at kabanalan ng Dios" (Efe. 4:24; Col. 3:10). Mayroong tiyak na wastong landas ng pamumuhay ang isang Cristiano.

Paano ipaliwanag ang "paraan ng pamumuhay" ng isang Cristiano? Ang sukatan ay hindi mga alituntunin na gaya ng mga sampung utos ng lumang tipan. Ang mga alituntunin ay tumutukoy sa isang kapangyarihang nagbibigay bisa nito. Bagama't maraming sinasabing dapat gawin at hindi dapat gawin bilang isang Cristiano, ang tunay na sukatan ay ang Dios mismo. Masasabing ang pamamalakad ay mabuti kung ito'y ayon sa pamamalakad ng Dios. Ang pamamalakad ay masama kung ito'y hindi ayon sa Dios. Sinabi ni Pablo na ang ating "bagong pagkatao" ay dapat "ayon sa katuwiran at kabanalan ng Dios" ( Efe. 4:24; Col.1:10). Ipinayo niyang "tularan ninyo ang Dios"(Efe. 5:1). Sinabi rin ni Jesus: " Kayo'y magpakasakdal, kung paanong ang inyong Ama sa langit ay sakdal" (Mat. 5:48), ""Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama" (Luc. 6:36). Isinulat ni Pedro: "Yamang ang tumawag sa inyo ay banal, magpakabanal kayo sa lahat ng inyong ginagawa; pagkat nasusulat, `Kayo'y magpakabanal, sa pagkat ako'y banal" (I Ped. 1:15-16). Si Cristo ay sakdal na uliran para sa atin (Fil. 2:5; I Ped. 2:21-24; I Cor. 11:1). Sa pagkat ang Dios mismo ang siyang sukatan, isang mataas na layunin na siya ay tularan. Bagamat hindi nating lubusang matularan ang Dios, tiyak na mataas ang antas ng ating pamumuhay kung gawin natin ng buong kakayahan na tularan ang Dios na sakdal. Pagsikapan nating iangat ang antas ng ating pamumuhay sa kabanalan at huwag umasa lamang sa ating sariling kakayahan kundi manalig sa bisa ng biyaya at pagibig ng Dios na gumagabay sa atin.

Sa Bagong Tipan, isinalin mula sa Griego ang salitang "karapat-dapat". Ang kahulugan nito ay "kapantay" o "kaparis". Sa mga ilang talata ng Bagong Tipan, tayo'y hinihikayat na mamuhay na "karapad-dapat" sa iba. Ibig sabihin nito na ang pamumuhay natin ay "kaparis" o "kapantay" sa iba. Tayo'y mamuhay na "karapat-dapat sa evangelio ni Cristo" (Fil. 1:27), "karapat-dapat sa Dios" (I Tes. 2:12), at "nararapat sa Panginoon at kalugud-lugod sa kanya sa lahat ng paraan" (Col. 1:10). "Kayo'y mamuhay na nararapat sa pagkatawag na inyong tinanggap" (Efe. 4:1). Ano ang pagkatawag natin? "Sa pagkat hindi tayo tinawag ng Dios para sa karumihan kundi sa banal na pamumuhay" (I Te. 4:7; cf. I Tim. 4:9; Efe. 1:4). "Tinawag niya kayo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hangang liwanag" (I Ped. 2:9). Tinawag tayong "mga anak ng Dios" (I Juan 3:1). "Tinawag na maging banal" (Rom. 1:7; I cor. 1:2). Ang banal ay hindi yong "santo" ng Papa sa Roma. Ang bawat Cristiano ay banal o santo ayon sa Biblia sa pagkat ang bawat Cristiano ay pinawalang-sala sa bautismo (I Cor. 6:111; Efe. 5:25-27). Sa pagkat tinawag tayo ng Dios na maging banal, karapatdapat na tayo ay mamuhay na banal.

Ang batas ng buhay Cristiano ay pag-ibig (I Cor. 1:1-3,13). Isinulat ni Pablo: "Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kaninoman, maliban sa mangagibigan kayo: sa pagkat ang umiibig sa kaniyang kapuwa'y nakaganap na ng kautusan" (Rom. 13:8). "Ang kabuluhan ng kautusan ay binubuo ng iisang utos, `Ibigin ninyo ang inyong kapwa, tulad ng inyong sarili"( Gal. 5:14; cf. Sa. 2:8; Mat. 22:36-40). Si Pablo ang nagbigay ng paliwanag kung papano ang pagibig (I Cor. 13:4-7). Si Cristo ang siyang sukatan ng wastong pagiibigan (Efe. 5:2,25; I Juan 3:23). Tayo'y magsiibig gaya ng tayo'y kanyang inibig (Juan 13:34; 15:9-12). Isang dahilan kung bakit mahalaga ang pagibig sa buhay ng Cristiano ay sa pagkat dito lumalabas ang ating panloob na pagkatao (Mat. 12:33-35; 15:18-19; 23:25-26; Luc. 6:43-44). Upang tunay na maging mabuti, kailangang baguhin natin ang ating puso at ang ating pag-uugali (Rom. 12:1-2; Sal. 51:10; 119:36; Cor. 10:5; Efe. 4:22-23). Ang ating panloob na pagkatao ay dapat maging malinis at maibigin upang ang ating mga galaw ay mabuti. Sa ating pamumuhay Cristiano ay dapat iwasan ang mga gawang makasalanan at ang mga tagong kasalanan ng masamang puso.

Maraming mga katangiang bahagi ng pamumuhay Cristiano gaya ng pagpapakumbaba, mahabagin, mapagpatawad, mabait at matulungin. Maaring kayo na ang gumawa ng talaan ng mga mabubuting katangian mula sa mga sumusunod na talata: Mat. 5:3-9; Gal. 5:22-23; ol. 3:12-17; I Tim. 6:11; San. 3:13, 17-18; II Ped. 1:5-7. Ihambing ang mga ito sa talaan ng mga masasamang ugali na dapat iwasan: Rom. 1:29-31; I Cor. 6:9-10; Gal. 5:19-21; Col. 3:5-10; I Tim. 1:9-11; II Tim. 3:2-5; San. 3:14-16; I Ped. 2:1-2.

Ang pinakamahusay na paraan upang matutunan ang pamumuhay Cristiano ay ang pagbasa ng malaking bahagi ng bagong Tipan na tumutukoy dito. Ang unang kalahating bahagi ng Bagong Tipan ay tumutukoy sa mga aral na siyang saligan ng pamumuhay Cristiano at ang pangalawang kalahati nito'y tumutukoy sa mga paraan na sundin upang mamuhay sa pananampalataya bilang isang Cristiano (Tito 2:1). Ang mga ito'y dapat pagaralan upang maging tunay na Cristiano sa pamumuhay. Ang Biblia ay siyang nagbibigay aral tungkol sa pamumuhay sa tahanan, sa pangangalakal, sa pagiging mamamayan, sa relasyon ng babai at lalaki, at iba pa upang ang kalooban ng Dios ay masunod (Mat. 5:1-7:28; 18:1-35; Rom. 12:1-14; Efe. 4:17-6:20; Col. 3:1-4:6; I tes. 4:1-12; Tit. 2:1-11; Heb. 12:1-13:19; San. 1:2-5:20; I Ped.2:11-5:11). Bilang isang Cristiano, sanayin mo ang iyong sarili sa kabanalan (I Tim. 4:7). "Sikapin mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan" (I Tim. 6:11).

Ang Iglesia

Ang salita sa Griego na isinalin na "iglesia" ay nangangahulugan ng pagtitipon, pagpupulong, congregasyon o iglesia (BAGD, 240-41). Pag inisip mo ang iglesia, hindi ito tumutukoy sa simbahan. Ang iglesia ay maaring magkaroon ng simbahan o mga ari-arian ngunit ang iglesia ay binubuo ng mga taong iniligtas ni Jesus. Huwag magkamaling isipin na ang iglesia ay ang organisasyon, ang pamunuan, mga obispo o denominasyon. Ulitin natin, ang iglesia ay binubuo ng mga taong iniligtas ni Cristo. Maging sa Lumang Tipan, noong ito'y naisalin sa Griego, ginamit ang katagang iglesia na tumutukoy sa mga tao ng Dios, ang Israel. Sa Bagong Tipan, ang iglesia ay ang mga tao ng Dios.

Ang katagang iglesia ay maaring tumutukoy sa pangkalahatan ng lahat na mga Cristiano sa buong mundo. Ito ang kahulugan noong sabihin ni Cristo: "Itatayo ko ang aking iglesia" (Mat. 16:18). Maari ding itong gamitin na tumutukoy sa congregasyon ng mga Cristiano sa isang pook gaya ng iglesia sa Corinto (I Cor. 1:2). Maari ding itong tumukoy sa pagtitipon ng mga Cristiano upang sumamba (I Cor. 11:18; 14:19). Sa Biblia, maraming kataga ang ginamit upang tukuyin ang iglesia. Hindi iisang kataga ang ginamit upang tukuyin ang iglesia. Ang pangalan ng iglesia ay maaring isama ang pangalan ng pook na kinaroroonan nito gaya ng "iglesia sa Jerusalem"(Gawa 8:1; 11:2; cf. Rom. 16:1; Icor. 1:2; II Cor. L:1; I Tes. 1:1, II Tes. 1:1), o "ang mga iglesia sa Galatia" (Gal. 1:2; cf. Gal. 1:22; I Tes. 2:14; I Cor. 16:1,19; Apo. 1:4). Ang pook na kinaroroonan ay maaring tukuyin gaya ng "ang iglesia na nagtitipon sa bahay" (Rom. 16:5; I Cor. 16:19; Fel. 2).

Ang isang mahalagang batayan sa paggamit ng pangalan ng iglesia ay ang pagbibigay kaluwalhatian sa Dios o kay Cristo at hindi sa isang tao gaya ni Pedro, Pablo, Maria o Juan ( Icor. 1:10-17). Kaya nga ang iglesia ay tinawag na "sangbahayan ng Dios"(I Tim. 3:15), "ang iglesia ng Dios" (I Cor. 1:2; 10:32; 11:16,22; 15:9; II Cor. 1:1; Gal. 1:13; I Tes. 2:14; II Tes. 1:4; I Tim. 3:5; Gawa 20:28), "ang Iglesia ng Dios na buhay (I Tim. 3:15), "ang iglesia ng Panginoon" (Gawa 20:28), "ang mga iglesia ni Cristo" (Rom. 16:16) o "ang iglesia ng Dios Ama at ang Panginoong Jesu-Cristo ( I Tes. 1:1). Sa halip na gumamit ng pangalan na binabanggit ang isang aral o pangalan ng tao, dapat gamitin ang pangalan na nagbibigay kaluwalhatian kay Cristo at sa Dios.

Ang iglesia ay inilalarawan sa maraming paraan upang lalong maunawaan kung ano ito at ano ang kaniyang layunin. Ang iglesia ay inihambing sa isang gusali o bahay (I Cor. 3:9; Heb. 3:6; I Tim 3:15). Ang iglesia ay "templo ng Dios" sa pagkat ang Dios ay nananahan sa iglesia (I Cor. 3:16-17; 6:19-20). Ang templo o bahay na ito ay hindi gawa sa kahoy o semento kundi sa mga "batong buhay" o mga tao (I Ped. 2:5). Ang iglesia ay ang "katawan ni Cristo" at si Cristo ang ulo ng katawan (Efe. 1:22-23; 4:4,15-16; Col. 1:18,24). Gaya ng ating katawan, ang mga kasapi sa iglesia ay may iba't ibang kakayahan upang ang mga ito'y tulong-tulong sa gawain ng iglesia (Rom. 12:4-8; I Cor. 12:14-26). Dito rin inilalarawan ang pagsasama sa iglesia gaya ng sangbahayan ng Dios (Mat. 12:49-50; Efe. 2:19; II Cor. 6:18; I Tim. 5:1-2). Tayo'y makibahagi sa hirap o ginhawa ng ating mga kapwa Cristiano (Rom. 12:15; I Cor. 12:26; Gal. 6:2,10). Ang iglesia ay pagsasamasama sa maraming paraan (Gawsa 2:42; I Cor. 1:9; Gal. 2:9; Fil. 3:10; I Juan 1:3,6-7). Ang iglesia ay siyang nobya ni Cristo at dapat tayong maging malinis upang tayo ay maging karapatdapat na makasama niya sa langit (Efe. 5:22-32; II Cor. 11:2). Si apostol Pedro ang naglarawan sa iglesia ng ganito:

"Datapuwat kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang banal na nakatalaga sa Dios. Tinawag niya kayo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hangang liwanag, upang ipahayag ang mga pagpupuri sa kanya. Dati, hindi kayo bayan, ngunit ngayon ang bayan ng Dios. Noo'y pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayon nasa inyo ang kanyang awa" (I Pedro. 2:9-10).

Ang organisasyon ng iglesia ay maliwanag sa Bagong Tipan. Si Cristo ang nangunguna. Ito'y nakikita sa mga paglalarawan sa iglesia. Si Cristo ang "Pangulong Pastol"( I Ped. 5:4), "ang ulo" (Efe. 1:22-23; 4:4,15-16; Col. 1:18,24), ang "panulukang bato" (Efe. 2:20), o ang "saligan" (I Cor. 3:11). Ang mga congregasyon ng iglesia sa Bagong Tipan ay pinangangasiwaan ng mga matatanda ng kilala rin bilang mga obispo, mga pastor o mga tagapangasiwa (I Tim. 3:1-7; Tit. 1:5-9; I Ped. 5:1-4; Phil. 1:1; Gawa 20:28; Efe. 4:11; I tes. 5:12; Heb. 13:17). Ang mga matatanda o obispo ay nangangasiwa sa congregasyon. Walang obispo na sumasakop sa maraming congregasyon. Walang congregasyon na sumasakop sa ibang congregasyon at ang lahat ng mga congregasyon ay pumapailalim sa kapangyarihan ni Cristo at ng mga apostol. Ang mga diakono ay naglilingkod sa congregasyon sa ilalim ng pamamahala ng mga obispo (I Tim. 3:8-13; Fil. 1:1). Ang pagkakaisa ng iglesia ay siyang kalooban ni Cristo. Ito ang nagdudulot ng tagumpay sa gawain ng iglesia at kaluwlahatian sa pangalan ng Panginoon (Juan 13:34; 17:20-21; Rom. 12:16; 15:5; I Cor. 1:10; 3:3; II Cor. 13:11; Efe. 4:3; Fil. 2:2).

Paano ka maging kasapi sa iglesia? Kung ikaw ay isang mananampalataya na nabautismuhan na, ikaw ay naging kasapi sa iglesia noong ikaw ay nabautismuhan. Dahil ang iglesia ay siyang espiritual na katawan ni Cristo, ikaw ay nasa iglesia sa pagkat ikaw ay na kay Cristo mula ng ikaw ay mabautismuhan (Gal. 3:27; Rom. 6:3). Ang kailangan mo'y maging kasama sa isang congregasyon na binubuo ng mga tapat na Cristiano sa pagkat kailangan mo ang pakikisama at gabay ng mga kapwa mong Cristiano (Heb. 3:13; 10:24-25). Mahirap mabuhay na nagiisa bilang isang Cristiano. Dahil dito, si Cristo ay pumarito hindi lamang upang magligtas kundi itinayo rin niya ang iglesia upang dito matipon ang mga ligtas.

Mayroong mga maling aral tungkol sa iglesia na dapat ituwid. Halimbawa, bagama't si apostol Pedro ay tunay na naging kasangkapan ng Dios sa pagtatag ng iglesia, siya ay hindi ginawang ulo ng iglesia. Si Pedro ay nangaral at umakay ng maraming tao ( Gawa 2:14-47; 10:1-48). Siya ang sumulat ng dalawang sulat sa Bagong Tipan at naging isang obispo siya sa iglesia (I Ped. 5:1; Juan 21:15-17). Ngunit anomang kapangyarihang ibinigay sa kanya (Mat. 16:17-19) ay ibinigay din sa lahat ng mga apostol Mat. 18:1, 18; Juan 20:23). Si Pedro at ang lahat ng mga apostol ay bahagi ng mga unang nangaral ng evangelio at sila'y mga saksi ng pagkabuhay maguli ni Cristo (Efe. 2:20; I Cor. 12:28; Apo. 21:14) ngunit ang iglesia ay natatag kay Cristo (Efe. 2:20; I Ped. 2:6-8). Isinulat ni Pablo: "Pagkat wala nang maaring maglagay ng ibang pundasyon liban sa nakalagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo" (I Cor. 3:11. Walang nakatala sa Bagong Tipan na nagsasabing si Pedro ay Papa na namumuno ng iglesia at wala ring sinasabi na may sumunod sa kanya bilang Papa. Si Pedro mismo ay tumangging sambahin (Gawa 10:25-26). Minsan siya ay sinaway tungkol sa kamalian (Gal. 2:11-14). Hindi siya nagkaroon ng sariling kapangyarihan na magtuwid ng pagtatalo (Gawa 15:1-30). Sa makatuwid, walang batayan ang ginawa ng mga Romano Catolico na ituring siya na Papa at ito'y malaking insulto kay Cristo bilang ulo ng iglesia.

Ang iglesia ay binubuo ng mga saserdote na mananampalataya (I Ped. 2:9; Apo. 1:6; 5:10). Ang bawat Cristiano ay pari na may karapatang lumapit sa trono ng Dios sa panalangin at pagsamba (Heb. 10:19-22; Rom. 5:102; Efe. 2:18; 3:12; I Juan 2:1-2) sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang dakilang saserdote natin (I Tim. 2:5; Heb. 2:14-18; 4:14-5:10; 7:1-10:39). Hindi natin kailangang magdaan pa sa isang pari o ibang tao upang tumanggap ng kapatawaran at kaligtasan. Hindi kailangan ang pangungumpisal sa pari. Ito'y ginagawa sa Dios at sa kapwa Cristiano (San. 5:16; I Juan 1:9). Walang tao, maging ang pari ng Romano Catolico, na maaring magpatawad ng kasalanan sa Dios. Bilang mga tao, may kapangyarihan tayong ipangaral or itago ang katotohanan na siyang magdudulot ng kaligtasan o kapahamakan ng iba (Gawa 13:38-39; Mat. 18:5-6,18; 23:13; Luc. 11:52) ngunit ang Dios lamang ang may kapangyarihan sa paghukom na magdudulot ng kaligtasan o kapahamakan.

Isa pang malaking kamalian ay ang pagsamba kay Maria na ina ni Jesus. Si Maria ay isang mabuting babai na pinili ng Dios upang maging ina sa laman ni Jesus (Luc. 1:39-43), ngunit walang maraming sinabi ang Biblia tungkol sa kaniya. Bago mamatay si Jesus, itinagubilin niya si Maria kay Juan (Juan 19:25-27). Siya'y isa ring mananampalataya kay Jesus (Gawa 1:14). Sa Biblia, walang nanalangin sa kanya. Siya'y hindi nagkaroon ng kapangyarihang gumawa ng kababalaghan. Pagkatapos na ipanganak si Jesus, hindi siya nanatiling virgin at sila ni Jose ay nagkaanak ng mga kapatid ni Jesus sa laman (Mat. 1:24-25; 13:54-56; ar. 6:3; Luc. 2:7). Siya ay uliran sa pagpapakumbaba at pagsunod sa kalooban ng Dios at sa pananampalataya kay Jesus. Ngunit siya'y hindi Dios upang sambahin. Siya'y hindi rin naging tagapagligtas o tagapamagitan natin at hindi dapat manalangin sa kaniya.Malaking kamalian ang aral ng Romano Catolico na iangat si Maria bilang ina ng Dios na mataas pa kay sa ating Panginoong Jesus (Col. 1:15-20; Rom. 8:34; I Tim. 2:5; I Juan 2:1-2).

Ang Paglilingkod at Pangangaral

Ang iglesia ay siyang katawan ni Cristo at ang gawain ng iglesia ay ipagpatuloy ang gawain ni Cristo sa mundo. Bilang isang bansa ng mga saserdote ni Cristo, tayo'y samasamang maglingkod sa Dios (Heb. 9:14; I Ped. 2:5,9). Lahat ng mga Cristiano ay mga manggagawa ng Panginoon at mayroong mga napipili upang gumanap ng mga piling gawain gaya ng mga obispo, mga diakono, mga guro o mga mangangaral (Efe. 4:11-13; Mat. 20:26-28; 25:44-45; Rom. 16:1-2). Ang gawain natin ay maglingkod sa Dios at sa tao. Ang pagsamba na siyang ating paglilingkod sa Dios ay tatalakayin sa susunod na kabanata.

Dito'y pansinin natin ang dalawang bahagi ng misyon ng iglesia: sa iglesia at sa mundo. Una, paglilingkuran ng iglesia ang mga kasapi nito upang sila'y tulungan na lumago sa espiritu at manatiling ligtas ( Efe. 4:11-13; Col. 1:28). Sa loob ng iglesia ay may mga guro at mangangaral na tutulong sa iba upang lumago sa espiritu sa pamamagitan ng pagtuturo ng katotohanan (Efe. 4L11; I Tim 4:11-16; II Tim. 2:2; 3:10-4:5). Ang mga Cristiano ay dapat ding tumulong sa mga pangangailangan ng kapwa Cristiano (Gawa 11:29; Gal. 6:10; II Cor. 8:1-9:15; I Juan 3:17-18). Tulran ntin si Jesus sa paglilingkod sa isa't isa (Mat. 20:28; Fil. 2:7-8). Ang mga Cristiano ay may pakikisama sa isa't isa at nagiging malapit sa isa't isa sa iglesia. Bilang isang sangbahayan, kinakailangan din ang disiplina upang akayin ang mga kasaping lumilihis sa landas na manumbalik sa Dios at upang ang kasalanan ay hindi kumalat sa loob ng iglesia (I Tim. 1:20; I cor. 5:1-13; Mat. 18:15-17; II Juan 10-11; II Tes. 3:14-15; Tit. 3:10-11).

Pangalawa, ang misyon ng iglesia sa mundo ay ipangaral ang evangelio upang ang mga tao'y maligtas (Rom. 1:16). Ang mga Cristiano ay nasa mundo ngunit ang kanilang pamumuhay ay hindi makamundo (Juan 8:23; 15:19; 17:15-18), gaya ng isang barko na mananatiling nakalutang sa dagat kung hindi ito mapasok ng tubig. Ang mga Cristiano ay hindi kabahagi ng kasalanan sa sanglibutan (IICor. 6:14-17). Ang buhay ng Cristiano ay isang ilaw sa mundo na nagpapakita ng wastong pamumuhay (Mat. 5:13-16; I Ped. 2:12; 3:15-16; Fil. 2:15). Ang mga Cristiano ay mga sundalo ng Dios sa pakikibaka laban sa kasalanan at katiwalian Cor. 10:3-5; Efe. 6:10:17). Hindi tayo gumagamit ng dahas. Sa halip ay panghihikayat, mabuting halimbawa, at pagpapahayag ng katotohanan upang dalhin ang mga tao kay Jesus (Mat. 28:18-20; I Cor. 9:16). Gaya ng sinabi ni Pablo: ".ibinigay niya sa amin ang ministeryo ng pagkakasundo. . . . Kami'y mga sugo ni Cristo. . . Kaya, sa pangalan ni Cristo ay namamanhik kami sa inyo: Makipagkasundo kayo sa Dios" ( II Cor. 5:18-20).

Madalas pulaan ang iglesia dahil sa mga pagkakamali ng mga kasapi. Dahil sa ang iglesia ay binubuo ng mga taong sadyang may kahinaan at maaring magkamali, ang iglesia ay hindi sakdal. Alam ng mga Cristiano na sila'y hindi sakdal ngunit alam din nila na si Jesus ay sakdal. Kung timbangin ang iglesia, si Cristo ang dapat tignan. Ngunit maging sa kabila ng mga pagkakamali ng ibang mga Cristiano, kung titimbangin ang iglesia ay masasabing mas malaki ang nagawa nitong mabuti. Mga pagkakamaling ibinibintang sa iglesia ay gawa ng mga huwad na Cristiano at huwad na iglesia na ginagamit ang pangalan ni Cristo ngunit hindi sinusunod ang mga utos ni Cristo. Marami ang mga nagawa ng mga tunay na mananampalataya kay Cristo sa panalangin, kawang-gawa, pangangaral, mga iba pang mabubuting gawa. Ang iglesia ay binubuo ng mga pinakamabubuting tao sa mundo. Ang iglesia ay parang isang lungsod sa burol na may ilaw na maaring makita at sundin upang ang mga tao'y makapunta sa langit (Mat. 5:14-16).

Ang Pagsamba

Ang gawain ng iglesia ay hindi lamang para sa tao at sa sarili. May bahagi ito na para sa Dios at ito'y tinatawag na pagsamba. Ano ang pagsamba? Sa malawakang pagkasabi, ang pagsamba ay ay kabuuwan ng gawin ng tao upang paglingkuran ang Dios (Rom. 12:1-2). At dito'y mapagalaman ang katotohanan na dapat ang buong buhay natin ay para sa Dios ( Col. 3:17). Hindi dapat tayo sumasamba sa Dios ng isa o dalawang oras sa isang linggo at kalimutan na siya at mabuhay para sa sarili sa lahat ng mga araw. Ang lahat na ginagawa natin ay dapat para sa ikalulugod ng Dios at ayon sa kaniyang kalooban. Ngunit hindi ito ang tinutukoy natin sa gawain ng pagsamba sa bahaging ito kundi ang pagbigay puri at luwalhati sa isang itinuturing nating banal, makapangyarihan at karapat-dapat sa lahat ng papuri na ating maialay sa Dios na lumikha sa atin at bumubuhay sa atin. Ang pagsamba ay siyang pag-aalay ng karapatdapat sa Dios. Sa salitang Griego, ang pagsamba ay "ang pagpapatirapa sa harap ng sinasamba, pagbibigay puri at galang sa kinikilalang Dios" (cf. Mat. 2:12,8,11; 4:9,10; Juan 4:23-24; I cor. 14:25; Apo. 4:10; 5:14). Ang pagsamba ay pagpupuri at pagpupugay sa Dios sa kaniyang dakilang kaluwalhatian. Pagaralan mo ang larawan ng langit sa harap ng trono ng Dios at dito'y mapagtanto mo kung ano ang pagsamba (Apo. 4:1-5:14; Isa. 6:1-5; 56:7; Mat. 21:13). Huwag nating isipin na ang Dios ay makasarili na gustong siya'y sambahin para sa sarili niyang kapakanan (Gawa 17:17:24-25; Sal. 50:10-12). Ipinagutos ng Dios na siya'y sambahin natin para sa ating kapakanan. Kailangan natin ang sumamba sa pagkat ito'y gawain natin sa espiritu upang tayo'y lumago sa espiritu bilang mga anak ng Dios. Sa pagsamba tayo'y tumatanggap ng pagpapala at tumutulong sa ating kapwa.

Sa pagkat ang Dios ay sumasa lahat (omnipresent), ang pagsamba ay maaring idaos maging saan. Hindi kailangan ang isang pook na sagrado o simbahan (Juan 4:19-24). Ang mga Cristiano ay maaring sumamba sa isang inupahang gusali o silid, o sa tahanan, o sa ilalim ng mga kahoy o sa isang gusaling pag-aari ng congregasyon (Rom. 16:5; I Cor. 16:19; Col. 4:15; Gawa 2:46; 5:42; 16:13; 20:7-8). Ang pagsamba ng Cristiano ay hindi nasusukat sa mga bagay na nakikita kundi sa kalinisan at katapatan ng ating puso para sa Dios.Dahil dito'y ang pusong tapat at buhay na malinis ay kinakailangan upang maging katanggap-tanggap ang ating pagsamba (Sal. 15:1-5; 24:3-4; Mat. 5:8). Ang pagsamba'y kailangang galing sa puso sa pagkat ang Dios ay Espiritu. Sinabi ni Jesus: "Ang Dios ay Espiritu at ang sasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at sa katotohanan" (Juan 4:24). Kung ikaw ay isang Cristiano at wala kang matagpuang tunay na iglesia, maari kang sumamba sa Dios sa iyong tahanan kasama mo ang iyong pamilya at mga kaibigan.

Ang unang iglesia ay sumamba sa unang araw ng linggo (Gawa 20:5-7; I Cor. 16:1-2). Ang mga Judio ay sumamba sa ikapitong araw o Sabado ngunit hindi para sa mga Cristiano. Sa pagkat si Jesus ay nabuhay maguli sa unang araw ng linggo, ang araw na ito'y tinawag na araw ng Panginoon at ito ang naging araw ng pagtitipon ng mga Cristiano upang sumamba (Apo. 1:10; Mat. 28:1; Mar. 16:1-2). Wala ring masama kung sumamba ang mga Cristiano sa ano mang araw. Makakatulong sa kanya kung siya'y sasamba araw-araw sa kanyang tahanan o sa pagtitipon at makakabuti sa Cristiano ang madalas na pagbasa at pagaral ng Biblia, ang panalangin, ang pagawit ng himno, at ang pakikisama sa kapwa Cristiano (Gawa 2:46; 5:42). Ngunit maliwanag na tungkulin ng mga Cristiano ang pagtitipon sa unang araw ng linggo upang gampanan ang samasamang pagsamba (Heb. 10:25). Malaki ang maitutulong sa iyo ng pakikipagisa sa mga kapatiran tuwing linggo upang sumamba.

Sa pagtitipon tuwing unang araw ng linggo, hindi lahat na ginagawa ng mga Cristiano ay pagsamba sa Dios (pag-aalay ng papuri sa Dios). Mayroon ding iba pang layunin ang pagtitipon sa pagkat dito rin nagaganap ang pagpapaalaalahanan ng mga Cristiano sa isa't isa (I Ti. 4:13; I Cor. 14:19,26). Sa pagtitipon ang mga Cristiano ay nagaawitan. May mga awitin na papuri sa Dios at mayroon ding mga awiting pagpapaalaala sa kapwa (Efe. 5:19-20; Col. 3:16; Gawa 16:25; I cor. 14:15). Ang pagbabasa ng Biblia ay ginganap din sa pagtitipon at ito'y malaking tulong sa pag-unawa ng salita ng Dios (Apo. 1:3; I Tim. 4:13; I Tes. 5:27). Ang mensahe o sermon ay ibinabahagi sa pagtitipon at ito'y nakatutulong sa pangangaral at pagpapalakas ng pananampalataya tungo sa paglago ng mga Cristiano (I Tim. 4:13-16; 5:17; II Tim. 2:1-2; 3:10,16; Gawa 20:20-21; San. 3:1). Ang pagtitipon ay siya ring panahon ng pagsasamasama at pakikibahagi sa kapwa Cristiano (Rom. 12:3-8,15; 16:16; I Cor. 16:20; I Juan 1:3-4).

Mayroon ding pagbibigay tuwing pagtitipon sa unang araw ng linggo at ang halagang malikom ay siyang ginagamit ng iglesia upang tustusan ang mga pangangailangan (Rom. 12:13; 15:25-27; I Cor. 9:1-14; II Cor. 8:1-9:15; Heb. 13:103; I Tim. 5:3-18; San. 1:27). Ang pagbibigay ay ginaganap sa pagtitipon tuwing unang araw ng linggo I Cor. 16:1-2). Dito ipinapakita ng bawat Cristiano ang kanyang pakikiisa at pakikisama. Ang salitang Griego na isinalin upang tukuyin ang pakikisama, pagsasamasama o pag-iisa ay siya ring ginamit upang tukuyin ang pagbibigayan bilang tanda ng pagkikipagisa sa kapatiran (II Cor. 8:4; 9:13; Rom. 15:26; Heb. 13:16). Ang pagbibigay ng ikapo ay siyang kautusan sa mga Judio. Walang itinakdang sukat ng ibibigay ng mga Cristiano ngunit dapat magbigay ayon sa ikagiginhawa at ayon sa kailangan ( I Cor. 16:1-2).

Ang panalangin ay mahalagang bahagi ng pagsamba. Ang Cristiano ay sumasampalataya na mayroong Dios na may pagibig sa tao, na nakikinig ng panalangin at tumutugon sa panalangin. Hindi lahat na hinihingi natin sa panalangin ay ibinibigay ng Dios sa pagkat alam ng Dios kung ano ang mabuti sa atin ngunit makatitiyak tayo na ibibigay ng Dios ang lahat na ukol sa ating ikabubuti ( Rom. 8:28). Ang bawat tao'y kailangan masanay na manalangin sa Dios ( I Tes. 5:17; Rom. 12:12; Col. 4:2; Luc. 18:1). Iwasan ang mga hadlang sa panalangin gaya ng gulo sa tahanan (I Ped. 3:7), ang espiritung hindi marunong magpatawad (Mat. 6:14-15; Eph. 4:2), hindi pagsisisi (Sal. 66:18; Isa. 1:15), mga kasalanang itinatago (I Ped. 3:12), o kakulangan sa pananampalataya (San. 1:6-8). Sa halip ay sundan ang mga bagay na makatutulong sa panalangin gaya ng matuwid na pamumuhay (Sal. 24:3-4), pagiging masunurin (San. 3:21-22), mapagsamba (Mat. 6:9), pagpapakumbaba at pananampalataya sa Dios (Mat. 21:22; Mar. 11:24), pagiging tapat Mat. 6:5-6; Sal. 17:1), at pusong marunong magpasalamat (Col.4:2; Fil. 4:6). At ating Panginoon ay siyang dakilang uliran sa panalangin (Juan 17:1-26; Mat. 14:23;26:36; Luc. 5:16; 6:12; 9:28), at maraming ibinigay na aral sa panalangin (Luc. 11:5-13; 18:1-8), gayon din ng iba (I Tes. 5:16-25; Itim 2:1-8; San. 5:13-18). Minsan ay hiningi ng mga alagad sa Panginoon ang pangangaral tungkol sa tamang panalangin at ibinigay sa kanila ang modelong panalangin na naglalaman ng lahat na bagay na kinakailangang isama sa panalangin:

"Ama namin na nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, ganoon din sa lupa. Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw, At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin. Huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas kami sa kasalanan" ( Mat. 6:9-13; Luc. 11:1-4).

Ang pag-alaala sa Panginoon na siyang pagkain ng tinapay na walang lebadura at pag-inom ng katas ng ubas ay ginaganap sa pagsamba tuwing unang araw ng linggo. Itinatag ito ni Cristo noong naganap ang huling hapunan na kasama ang kanyang mga apostol (Mat. 26:17-30; Mat. 14:22-24; Luc. 22:14-23; I Cor. 11:23-26). Sinabi niya sa kanyang mga alagad: "Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin" (I Cor. 11:24-25). Ang layunin ay upang alaalahanin ang pagkamatay at pagkabuhay maguli ng Panginoon ( I Cor. 11:23-26). Ito'y hindi dapat gawin na isang kainan para mabusog (I Cor. 11:34). Ito'y ginanagap na may pagbubulaybulay, pagsusuri sa sarili at pagsamba (I cor. 1127-28). Ito rin ay pagsasamasama na nagpapakita ng pagkakaisa ng mga mananampalataya ( I Cor. 10:16-17; 1:29-30). Ang tinapay na walang lebadura ay naglalarawan ng katawan ni Cristo at ang katas ng ubas ay naglalarawan ng kanyang dugo. Ang tinapay ay walang lebadura ang ginagamit sa pagkat ang lebadura ay naglalarawan ng kasalanan. Ang ating Panginoon ay siyang Kordero ng Dios na walang dungis (I Cor. 5:7; Mar. 14:1). Ang Hapunan ng Panginoon ay ating pagkakataong sariwain ang ating pagpasiya na iwasan ang kasalanan sa ating buhay ( I Cor. 11:27-32). Ang katas ng ubas na maging sa kulay ay naglalarawan sa dugo ni Jesus na nabubo para sa atin. Ang bawat Cristiano ay dapat makipagtipon sa iglesia tuwing unang araw ng linggo upang ganapin ang pagaalaala sa kamatayan at pagkabuhay maguli ni Cristo at ito'y siyang tanda ng pagkakaisa ng iglesia ( I Cor. 10:16-17) at dito'y ipinapahayag si Cristo na nabuhay maguli kung kaya't ang unang araw ng linggo ay siyang araw ng Panginoon na kinilala ng mga unang Cristiano ( Gawa 20:5-7; I Cor. 16:1-2).

Ang mga Romano Catolico ay ginaganap ang Hapunan ng Panginoon sa kanilang misa. Dito'y nakakabit ang maling aral na kanilang itinuturo na ang tinapay ay nagiging katawan ni Cristo at ang katas ng ubas ay nagiging dugo ni Cristo na siyang iniaalay muli sa misa. Sa kabila nito ay maliwanag ang aral ng biblia na ang pag-alay ni Cristo ng kanyang katawan at dugo ay ginanap minsan at magpakailan man para sa lahat ng tao at ito'y hindi na kailangan uulit-ulitin pa ( Heb. 7:27; 9:12, 24-28; 10:10-14; Rom. 6:9). Hindi iniaalay si Jesus na paulit-ulit. Totoong sinabi ni Jesus tungkol sa tinapay: "Ito'y aking katawan" at tungkol sa ubas: "Ito'y aking dugo" ngunit ginamit niya ang mga katagang ito sa paglalarawan ng kaniyang katawan at dugo. Hawak niya ang tinapay at ang katas ng ubas na siyang ibinigay niya sa mga alagad at hindi niya ipinakain sa kanila ang kanyang katawan o ipinainom sa kanila ang kanyang dugo. Siya ay gumamit ng mga katagang naglalarawan gaya ng madalas niyang gawin sa kanyang pangangaral (Juan 10;7, 14; 15:5; Mat. 5:13-14). Sa halip ng maling aral na ito, ang mga Cristiano ay naniniwala na si Cristo ay kasama nila sa espiritu sa pagsamba tuwing unang araw ng linggo (Mat. 18:20) at siya ay kasalo tuwing ganapin ang pag-aalaala (Mat. 26:29).

Sa pagtitipon upang sumamba sa unang araw ng linggo, ginaganap ng iglesia ang panalangin, pag-awit, pagbasa ng salita, pangangaral, pagbibigay at pag-aalaala. Ang mga nagunguna sa iglesia ang nagpapasiya kung alin ang una, ang susunod o ang huli ngunit ang mahalaga ay ang pagganap ng mga ito na may kaayusan upang maganap ang pagsamba sa espiritu at sa katotohanan ( I Cor. 14:40 Juan 4:24). Ang mga mangunguna ay mga piling mga lalaki sa iglesia sa pagkat ang pangunguna ay sadyang ibinigay ng Dios sa mga kalalakihan sa tahanan, sa lipunan at sa iglesia ( Ge. 1:26-27; 2:18; 3:167; 4:7; I Cor. 11:2-16; 14:33-36; Gal.3:28; Efe. 5:21-33; Col.3:18-19; I Tim. 2:1-15; 3:1-13; I Ped. 3:1-7). Bilang halimbawa, maaring ganito ang ayos ng mga kaganapan sa pagtitipon upang sumamba: 1) Pambukas na panalangin; 2) Pag-awit ng isa o dalawang himno; 3) Samasamang panalangin; 4) Pag-awit ng isang himno. 5) Pagbasa ng piling bahagi ng Biblia; 6) Ang sermon o mensahe; 7) Pag-awit ng paanyaya.; 8) Pag-awit ng himno ukol sa pag-alaala; 7) Pag-aalaala o Santa Cena. 8) Pagbibigay; 9) Pagbabalita. 10) Pag-awit ng himno. 11) Pangwakas na panalangin.

Ang Hinaharap

Ayon sa paniniwala ng mga Cristiano, ang kasaysayan ng mundo ay nagsimula sa paglalang ng Dios (Gen. 1:1) at ang katapusan nito'y magaganap sa pagbabalik ni Cristo. Sa pagbabalik din ni Cristo magaganap ang pagkabuhay maguli ng mga patay (Juan 5:28,29) at ang paghuhukom. Mula sa harapan ng dakilang Hukom ay maghihiwalay ang mga ligtas at hindi ligtas-ang mga ligtas ay magmamana ng walang hanggang buhay sa walang hanggang kaharian at ang mga hindi ligtas ay sa apoy na walang hanggan na magtamo ng walang hanggang kaparusahan (Mat. 25:31-46). Ang Dios ay siyang makapangyarihan sa lahat ang ang kaniyang kalooban ang siyang umiiral sa kasaysayan at ang tanging layunin ng lahat ng bagay ay ang ganap na pagdakila sa Panginoon Jesu-Cristo (Fil. 2:9-11; Col. 1:16). Ang buhay ay galing sa Dios at ang pagasa ng buhay na walang hanggang ay sa kaniya nakasalalay (I Tim. 6:16). Paano ba ang iyong hinaharap? Dapat mong alamin kung ano ang naghihintay sa iyo sa kapanahunang walang hanggan.

Ang bawat tao ay hahantong sa kamatayan. Wala sa Biblia ang aral na ang kaluluwa ay palipatlipat (transmigration) o sumasanib (reincarnation) sa iba't ibang anyo sa maraming ulit na pagkapanganak, pamumuhay at pagkamatay. Minsan lang ang kamatayan (Heb. 9:27). Bagamat ang buhay natin sa laman ay bibigay sa kamatayan, ang ating buhay sa espiritu ay magpapatuloy (II Cor. 5:1; II Pet. 2:13-14). Ang kamatayan sa laman ay siyang pagpanaw ng espiritu at kaluluwa (San. 2:26). Karaniwan lamang na katakutan ang kamatayan ngunit ang evangelio ay nagbibigay ng pag-asa sa kabila ng kamatayan (Awit 39:5; Rom. 7:24; Heb. 2:15; I Cor. 15:26; Phil. 1:21-23). Ang Lumang Tipan ay walang maraming binanggit tungkol sa kalagayan sa kabila ng kamatayan. Ito'y iniwan kay Jesus at ang Bagong Tipan ang pagpapaliwanag nito. Sinabi ni Pablo na si Jesus ay siyang "nagdala sa liwanag ng buhay at ng walang pagkasira sa paamamagitan ng evangelio" (II Tim. 1:10). At sa pamamagitan ni Jesu-Cristo maaalis ang kasalanan na siyang tibo ng kamatayan upang ating mapagtagumayan ang kamatayan (I Cor. 15:54-57).

Ano ang kalagayan ng kaluluwa sa pagitan ng kamatayan at ang pagkahukom? Ang kalagayang ito ay pansamantala. Sa isip ng ibang tao, tulog lamang ang kaluluwa sa pansamantalang kalagayang ito at muling magigising sa pagbabalik ni Cristo. Ginamit ng biblia ang salitang "tulog" sa paglalarawan sa kalagayan ng katawan ng taong patay sa tingin ng mga taong buhay (I Tes. 4:13). Maaring sabihing tulog ang patay sa pagkat wala na siyang galaw pa sa mundo (Apo. 14:13). Ngunit mayroong mga talata sa Biblia na nagsasabing ang kaluluwa ng patay ay patuloy na may kamalayan pagkatapos ng pagkamatay (Luc. 16:19-31). Ang mga kaluluwa ng mga patay ay nasa Hades na may dalawang bahagi (Luc. 16:26). Ang mabuting bahagi ay tinatawag na Paraiso na siyang kinaroroonan ng mga kaluluwa ng mga ligtas (Luc. 23:39-43; Gawa 2:27). Ang masamang bahagi ay ang Tartarus o pook ng pagdurusa na siyang kinaroroonan ng mga kaluluwa ng mga hindi ligtas (Luc. 16:23). Pagkatapos ng kamatayan ay wala ng pagkakataon upang maligtas. Ang aral ng Romano Catolico tungkol sa purgatoryo ay wala sa Biblia at salungat sa katotohanang itinuro ni Jesus sa bahaging ito ng Bagong Tipan. Sa makatuwid, hindi totoo na ang panalangin ng mga naiwan sa lupa ay maaring makapagahon sa kaluluwa sa pagdurusa sa purgatoryo. Walang purgatoryo kundi Hades at sa Hades ay hindi na maaring lumipat ang kaluluwa. Isa pa'y hindi totoo na makatutulong ang pansamantalang paghihirap sa purgatoryo at ang panalangin ng mga naiwan sa buhay. Ang aral na ito'y salungat sa katotohanang si Cristo ang siyang nagligtas sa atin sa kasalanan (I Juan 1:6-10) at wala ng iba pa. Ang pansamantalang kalagayan ng kaluluwa sa Hades ay magtatapos sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, sa pagkabuhay maguli ng lahat ng mga patay (Juan 5:28-29).

Ang katapusan ng mundo ay magaganap sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. Walang nakakaalam ng panahong ito (Mat. 24:44). Maging si Jesus ay sinabing niyang hindi niya alam sa pagkat ang tanging nakakaalam ay ang Dios Ama (Mat. 24:26). Mag-ingat kayo sa mga nagsasabi kung kailan ang pagbabalik ni Jesus. Sinabi ng Dios na si Jesus ay babalik at ito'y totoo. Sa pagdaan ng mahabang panahon na hindi pa bumabalik si Jesus, maraming sumisipot na nagsasabing hindi totoo na si Cristo'y babalik pa. Ngunit ito'y tiniyak ng Dios ayon sa kaniyang kalooban ( II Ped. 3:9). Sa pagkat hindi natin alam kung kailan magbabalik si Jeus, dapat tayong laging handa (Mat. 24:44). Ang aral ng pagbabalik ni Jesus at ang katapusan ng mundo ay siyang dapat uudyok sa atin na mabuhay sa kabanalan. Sinabi ni Pedro: ""Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw ng ganito, ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagkamaawain?" ( II Ped. 3:11). Sa pagkat ang pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo ay nangangahulugan sa atin ng kaligtasan at ng isang tahanan sa langit, ito'y tinatawag na "mapalad na pag-asa" (Tit. 2:13).

Sa pagbalik ni Jesus sa mundong ito, ay magaganap ang pangkalahatang pagkabuhay mag-uli ng mga patay. Sinabi ni Jesus: "Huwag ninyong ipanggilalas ito: sa pagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, at magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti sa pagkabuhay na maguli sa buhay, at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay maguli sa paghatol" ( Juan 5:28-29). Sa pagbabalik ni Cristo, maging ang mga madadatnan niyang buhay ay magbabago ng katawan upang hindi na mamamatay (I Cor. 15:35-37) at upang handa na pumasok sa walang hanggang kapanahunan (I Tes. 4:13-17). Hindi natin alam kung anong uri ng katawan ito ngunit alam nating ito'y gaya ng katawan ni Jesus pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay mag-uli (I Juan 3:2).

Sa katapusan ng mundo sa pagbabalik ng Panginoong Jeus-Cristo ay magaganap ang pangkalahatang paghuhukom. Tayong lahat ay huhukomin ng Dios at ni Cristo (Juan 5:22,27; Gawa 17:30-31; Rom. 14:10; II Cor. 5:10; II Tim. 4:1; Heb. 12:23). Huhukomin tayo ng Dios ayon sa atin ginawa sa buhay batay sa kaniyang salita ( Apo. 20:12; Juan 12:48; Rom. 2:6,16). Magkakaroon ng paghiwahiwalay ng mga tao: ang mga ligtas at ang mga hindi ligtas (Mat. 25:31-46). Sasabihin sa mga ligtas: "Magsiprito kayo mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan" (Mat. 25:34). Sasabihin sa mga hindi ligtas: "Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel" (Mat. 25:41). Ang araw ng paghuhukom ay hindi katatakutan ng mga ligtas sa pagkat sa araw na yon ay tatanggaapin natin ang ating gantimpala (Rom. 8:1; Mar. 9:41; Luc. 6:35).

"Langit" ang tawag na kilala ng mga Cristiano sa pagdadalhan ng Dios sa kaniyang mga anak sa kapanahunang walang hanggan. Ang langit ay kamanghamangha at kulang ang kaalaman at wika ng tao upang ito'y ipaliwanag kung kaya't ang Biblia ay gumamit ng mga katagang pagsasalarawan upang ipaliwanag kung ano nga ang langit (Apo. 21:1-22:5). Sa langit ay makakasama ng mga ligtas si Jesus magpakailan man (Juan 14:1-3; Fil. 1:23; I Tes. 4:16-17). Ito'y gaya ng isang malaking handaan (Mat. 22:1-14; Apo. 19:9). Ipinakita kay apostol Juan ang pangitain na ganito:

"At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging bayan niya, at ang Dios as sasa kanila, at magiging Dios nila; At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na" (Apo. 21:3-4).

"At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig na buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero, sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawa't buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pagpapagaling sa mga bansa. At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin; at makikita nila ang kaniyang mukha: ang kanyang pangalan ay sasa kanilang mga noo. At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi mangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sa pagka't liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila'y maghahari magpakailan man" (Apo. 22:1-5).

"Impierno" ang katagang ginagamit ng mga Cristiano upang tukuyin ang walang hanggang kaparusahan ng lahat ng mga hindi tapat kay Cristo. Sa unang paggamit ng salitang "impierno," ito'y tumutukoy sa isang tambakan ng basura sa labas ng siyudad ng Jerusalem kung saan ay tuloy-tuloy ang pagsunog ng basura. Dito matagpuan ang apoy at usok, dumi at masangsang na amoy, pagkatupok at pagkaagnas. Ito'y larawan ng isang pook na hindi natin gustong puntahan. Ang pagpapaliwanag ng Biblia tungkol sa "impierno" ay ginamitan ng mga katagang nagsasalarawan o sumisimbulo gaya rin ng paggamit ng Biblia ng ganitong uri ng pagpapaliwanag ng "langit." Ang "impierno' ay isang kadiliman sa pagkat ito'y pagkahiwalay sa Dios magpakailan man (Mat. 25:30; II Ped. 2:4; Jud. 13). Dito'y may usok at apoy (Mat. 13:42; 25:41; Mar. 9:48; Apo. 20:10-15) at hapdi (Mat. 25:30; Apo. 14:11). Walang kaligtasan sa mga taong mapunta sa "impierno." Ang kalagayan sa "impierno" ay walang katapusan at wala ng pag-asa pang makaligtas (Mat. 25:10,46; Apo. 14:11). Kaya't madali nating maunawaan kung bakit matindi ang babala ni Cristo tungkol sa "impierno" (Luc. 12:4-5; 13:28; at. 5:29-30; 10:28).

Magingat sa mga bulaang aral tungkol sa hinaharap gaya ng "premillenialismo." Marami sa nangangaral nito ay sinasabi kung kailan ang pagbabalik ni Cristo sa mundo o kung kailan ang katapusan ng mundo. Madalas banggitin nila ang paghahari ni Jesus sa lupa ng isang libong (l,000) taon. Walang katotohanan ang aral na ito. Pagbalik ni Cristo sa mundo, ang lahat ng mga patay ay mabubuhay maguli at gaganapin ang paghuhukom at lahat ay papasok na sa kapanahunang walang hanggan (Juan 5:28-29; I Tes. 4:13-17; Heb. 9:28; I Cor. 15:23-24).

Ang "premillenialismo" ay taglay ang dalawang kamalian sa pagtuturo ng Biblia. Una, itinuturo na ang kaharian ng Dios ay isang kahariang makalupa. Ito'y salungat sa aral ni Jesus sa kaniyang sinabi na ang kanyang kaharian ay hindi sa mundo kundi isang kahariang espiritual (Jun 18:36; Rom. 14:17). Si Jesus ay Hari ng mga hari at ang kaharian ng Dios ay narito na (Mat. 3:2; 11:12; 12:26-28; Mar. 9:1; Luc. 1:32-33; 16:16; Gawa 2:29-33; 7:56; Efe. 1:20; Col. 1:13; Heb.2:9; 12:28; Apo. 1:6,9; 11:15). Pangalawa, itinuturo na ang maraming bahagi ng Lumang Tipan ay magaganap sa bansa ng mga Judio sa Palestina sa kabila ng katotohanan na ang mga ito ay naganap noong ang mga Israelita ay bumalik mula sa pagkabihag sa Babilonia at noong wasakin ng mga Romano ang Jerusalem noong 70 A.D. (Mat. 24:1-28; Mar.13:1-23; Luc. 21:5-36). Ang mga nangangaral ng "premillinialismo" ay itinuturo ng ang aklat ng Apocalipsis ay naglalaman ng mga hula na hindi pa nagaganap. Ang totoo'y halos lahat ng mga hula sa aklat na ito ay naganap na. Ang malaking bahagi ng aklat ay tumutukoy sa paguusig ng mga Romano sa mga Cristiano (po. 17:1-2,15-18), sa pagkat ang mga Cristiano ay hindi sumasamba sa mga imahin o idolo o sa Emperador ng Roma (Apo. 1:9; 2:10,13; 6:9-11; 7:9,13-14; 9:20-21; 12:17; 13:5-6,15-17; 14:9-13; 16:2,5-6; 17:6; 18:24; 19:2,20:20:4).

Ang Banal Na Trinidad

Ang katagang "trinidad" ay hindi matatagpuan sa Biblia ngunit ito'y madalas gamitin ng mga Cristiano upang ipaliwanag ang kanilang pagkaunawa sa Dios. Taglay ng mga Cristiano ang aral na may iisang Dios (monotheist) laban sa maraming tao sa mundo na nagdadala ng aral na marami ang Dios (polytheist). Gaya ng mga Judio na nauna sa kanila, ang mga Cristiano ay sumasampalataya sa isang Dios ( Deut. 6:9; Mar. 12:29; I Cor. 8:4; San. 2:19). Kinikilala natin ang isang Dios sa tatlong persona ng Ama, Anak at Espiritu Santo. May kaniya-kaniyang persona ang bawat isa ngunit ang tatlo ay bumubuo ng iisang Dios. Napagaralan na natin ang pagka-Dios ni Cristo (Juan 1:1; 20:28; Fil. 2:6). Sa pagkat siya ay Dios, siya'y karapatdapat sambahin (Apo. 5:1-14). Ganon din ang Ama at ang Espiritu Santo.

Ang Ama ay Dios (I Cor. 8:6; Gal. 1:1; Efe. 4:6; I Ped. 1:2; Juan 6:27). Kapag ginagamit ang salitang "Dios" sa Biblia, kadalasan ito'y tumutukoy sa Ama. Ang Dios ay dakila. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga katangian ng Dios. Siya'y makapangyarihan sa sarili (Isa. 40:13-14; Sal. 50:12; Gawa 17:25), magpakailan man (Sal. 90:2-4; Deut. 32:$): San 1:17), isang Espiritu (Juan 4:24; Deut. 4:15; Gawa 17:29), makapangyarihan sa lahat (Isa. 14:27; Sal. 2:4), nakakaalam ng lahat (Sal. 147:5), at sumasalahat (Jer. 23:23-24; Sal. 139:7-12). Ang Dios Ama ay mapagmahal (I Juan 4:8; Sal. 1128:1-29; Rom. 8:35-39), santo (Isa. 6:3-5; Sal. 99:9; Apo. 15:4), maawain (Deut. 4:31; Sal. 145:8), at makatarungan (Isa. 5:16; Sal. 11:7). Ang Dios ay dakila, lualhati at kahangahanga at karapdapat sa ating pagsamba at paglilingkod (Apo. 4:1-11; Mat. 4:10; Luc. 4:8 Deut. 6:13).

Ang Espiritu Santo ay Dios. Pansinin ang Gawa 5:3-4 na sinasabi na si Ananias ay nagsinungaling sa Espiritu Santo at siya'y nagsinungaling sa Dios (I Cor. 3:16-17; 6:19-20). Ito'y dahil sa ang Espiritu Santo ay Dios. Nasa Espiritu Santo ang mga katangian ng Dios (Rom. 8:2; Juan 16:13; Heb. 9:14; Sal. 139:7), ginagawa ang gawain na Dios lamang ang gumagawa (Gen. 1:2; Sal. 104:30; Juan 3:8; 16:8; Rom. 8:11; II Ped. 1:21), ay kapantay ang Dios (Mat. 28:19; II Cor. 13:13). Kuwag tukuyin ang Espiritu Santo na isang bagay na walang personalidad. Ang Espiritu Santo ay isang persona na maaring pagsinungalingan o pighatiin (Gawa 5:3-4; Efe.4:30). Ang Espiritu Santo ay nananahan sa mga Cristiano upang tayo ay pakabanalin at lumago (Gawa 2:38; 5:32; Rom. 8:9-16,26; I cor. 3:16-17; 6:11,19-20; 12:13; II Cor. 1:22; 5:5; Gal. 4:6; Efe. 1:13; 3:14-16; Tit. 3:5; I Juan 4:13; Jud. 19). Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo kay Cristo at namamagitan para sa atin (Rom. 8:26-27).

Ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo ay pantay sa isa't isa sa pagka-Dios at sila'y nagiisa sa kanilang pagka-Dios (Juan 10:30; Mat. 28:19; Juan 15:26; I Ped. 1:2; I Cor. 12:4-6). Ganito ang sinabi ni Pablo tungkol sa tatlo: "Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, at ang pag-ibig ng Dios, at ang pakikipisan ng Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat" (II Cor. 13:14). Ang doctrina ng "trinidad" ay salungat sa aral ng "unitarian" at "polytheist." Ang mga Cristiano ay hindi sumasang-ayon sa aral na ang Ama ay siya rin ang ang Anak at siya rin ang Espiritu Santo na iisang persona na siyang itinuturo ng mga "unitarians." Hindi rin sumasang-ayon ang mga Cristiano sa aral ng mga "polytheists" upang sabihin na ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo ay tatlong Dios. Isang Dios sa tatlong persona-isang malalim na katotohanan na hindi marahil maipaliwanag sa kakapusan ng ating pagiisip sa pagkat ang Dios ay dakila at ganap at tiyak na hindi abot ng tao ang buong katotohanan tungkol sa Dios. Sa kabila ng pag-aaral sa nakaraang 2,000 taon, maraming bagay tungkol sa Dios ay nananatiling hiwaga at kabilang dito ang aral ng "trinidad" na ang Dios na iisa ay binubuo ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.

Ang Espiritu Santo At Ang Mga Kababalaghan

Maraming kababalaghang mababasa sa Biblia na ginanap ng Dios sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na pinagkalooban ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang pangunahing layunin ng mga kababalaghan ay upang patunayan ang salita ng Dios (Mat. 9:4-5; 12:28-29; Mar. 2:10-11; 16:17-20; Luc. 5:24; Juan 21:24-25; Gawa 2:32-33; II Cor. 12:12). Tungkol sa dakilang kaligtasan na inialok ng Dios sa lahat ng tao, ang sumulat sa mga Hebreo ang nagsabi: Paanong makatatanan tayo, kung ating pabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan? Na ipinangusap ng Panginoon noong una ay pinatunayan sa atin sa pamamagitan ng mga nakarinig; na pawang sinaksihan naman ng Dios na kasama nila, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, at ng saganang kapangyarihan, at ng kaloob ng Espiritu Santo, ayon sa kaniyang sariling kalooban" (Heb. 2:3-4). Kay Jesu-Cristo ginanap ng Dios ang kanyang buong pagpapahayag ng kanyang salita (Heb. 1:1,2) at noong ito'y naganap na ay dito rin natupad ang layunin ng mga kababalaghang ginanap sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa pagtapos ng unang siglo ng Cristianismo ay nabuo na ang Bagong Tipan at kapansinpansin na wala na ring kababalaghan na ginaganap pagpasok ng ikalawang siglo.

Ngunit sa ating kapanahunan sa ika-dalawampu't isang siglo, mayroong mga nagsasabing sila'y gumagawa ng kababalaghan at ginagamit ang pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at inaangkin ang kapangyarihan ng Espiritu Santo upang paniwalain ang mga tao na ito'y gawa ng Dios. Ngunit ang mga kababalaghang ito'y hindi maaring ihambing sa mga tunay na kababalaghan noong kapanahunan ng mga apostol. Halimbawa, wala pang napatunayan na gumaling sa sakit gaya ng bulag, pilay, kitong at wala pang binuhay sa mga patay. Maging ang sinasabing pagsasalita sa ibang wika ay kaiba sa pagsasalita sa ibang wika noong panahon ng mga apostol na kung saan ang mga apostol ay nagsalita at nangaral sa ibang wika at sila'y naunawaan ng mga nakikinig (Gawa 2:6,8). Ngayon, walang nakakaunawa sa mga nagsasabing sila'y nagsasalita sa ibang wika. Sa totoo'y maraming manlilinlang na pinagsasamantalahan ang kahinaan ng mga tao na gumagamit ng sarisaring uri ng panloloko kabilang na ang pagganap ng kunwari'y kababalaghan o kunwari'y pagsasalita sa ibang wika. Sa totoo lang, walang tao ngayon na binigyan ng Dios ng kapangyarihan na gumawa ng kababalaghan-ngayon ay walang totoong nakapagsasalita ng ibang wika, walang totoong nakagagamot ng malubhang sakit at walang totoong nakabubuhay ng patay.

Hindi bahagi ng plano ng Dios na ang mga kababalaghan ay manatili habang panahon. Ang mga kababalaghan ay ginamit ng Dios upang patunayan ang kanyang salita noong pasimula ng Cristianismo at noong ang Bagong Tipan ni Jesu-Cristo ay hindi pa nasusulat. Nang maganap na ang salita, hindi na kailangan pa ang patunay. Gusto ng Dios na ang mga Cristiano ay "magsilakad sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin" (II Cor. 5:7). Ayon sa plano ng Dios, noong natatag na ang iglesia at nabuo na ang Bagong Tipan ni Cristo, unti-unting nawala ang mga kababalaghan upang ang iglesia ay hindi manatiling batang nangangailangan ng kababalaghan na patunay kundi iwanan na ang pagkabata at gamitin ang lumakad pananamalataya ayon sa ganap na salita ng Dios (I Cor. 13:8-13; Efe. 4:11-16). Maging noong panahon na mayroon pang kababalaghan, si Pablo ay itinuro na higit na mahalaga ang pagibig sa ating buhay (I Cor. 12:29-13:13). Si Pablo rin ang nagpaliwanag na ang mga kababalaghan ay hihinto at ang mananatili sa iglesia ay ang pananampalataya, ang pag-asa at ang pag-ibig: "Datapuwa't ngayo'y mananatili ang pananampalataya, at ang pag-ibig nguni't ang pinakadakia sa mga ito ay ang pag-ibig"( I Cor. 13:13).

Ang Banal Na Kasulatan

Ang Biblia, na binubuo ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan, ay siyang kinikilala ng mga Cristiano na bumubuo ng Salita ng Dios na siyang tinatawag na ang banal na kasulatan. Ang Biblia ay siyang batayan ng Cristianismo at siya rin ang pinakamataas na kapangyarihan na ginagamit upang bigyang kasagutan ang mga katanongan tungkol sa Cristianismo. Ang Biblia ay siyang nagpapahayag sa atin ng kalooban ng Dios at ito rin ang talaan ng mga ginawa ng Dios sa buong kasaysayan ng layunin ng Dios na iligtas ang tao (Awit. 119:105). Ang mga sumulat ng mga banal na kasulatan ay kinasihan ng Espiritu Santo kung kaya't ang Biblia ay hindi pangkaraniwang aklat. Ito'y buhay sa Espiritu Santo upang ihatid tayo sa buhay na walang hanggan ( Heb. 4:12). Ang pinanggalingan ng mga banal na kasulatan ay ang Dios mismo at ang mga laman nito'y hindi kathang-isip ng manunulat (II Ped. 1:20-21). Si Pablo ang nagsabi: "Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti" ( II Tim. 3:16-17). Ang mga aklat, maliban sa Biblia, ay maaring pagaralan tungo sa ikabubiti o ikasasama. Ngunit ang pagaral, pananampalataya at pagtalima sa Biblia ay magdudulot ng kaligtasan (San. 1:21; II Tim. 3:15; I Ped. 1:22-24; Juan 20:30-31).

Ang Biblia ay binubuo ng animnapu't anim (66) na mga kasulatan na iba't iba ang haba at ang mga ito'y isinulat ng apatnapong (40) tao sa loob ng isang libo't limang daang(1,500) taon. Ang Biblia ay nahahati sa dalawang bahagi, ang Lumang Tipan at ang Bagong Tipan. Ang Lumang Tipan ay nasulat noong kapanahunan ni Moises. Ang mga ito'y naglalaman ng mga alituntunin para sa mga Israelita ukol sa kanilang pamumuhay at pagsamba. Ang mga ito'y naglalaman din ng kasaysayan, mga tula at awitin, mga salawikain at mga hula. Ang mga Cristiano ay naniniwala na ang Lumang Tipan ay kinasihan ng Dios (II Tim 3:16-17; II Ped. 1:21; Juan 10:35), ngunit ang mga kautusang nilalaman nito'y hindi para sa mga Cristiano sa pagkat ang mga ito'y ibinigay sa mga Israelita noong panahon ni Moises (Deut. 5:1-2; Ezek. 20:10-12). Si Jesu-Cristo ang nagpasimula ng Bagong Tipan (Mat. 5:16; Col. 2:14; Efe. 2:15; Rom. 6:14; 7:4; 10:4). Ang Lumang Tipan ay nagsilbing paghahanda para sa Bagong Tipan (Gal. 3:23-26; Heb. 7:12; 8:1-13; 10:1-10; Col. 2:14). Isang halimbawa, ang mga Cristiano ay hindi nagaalay ng hayop sa pagkat si Cristo ay inialay minsan at magpakailan man.

Bagama't ang mga Cristiano ay hindi nabubuhay sa ilalim ng Lumang Tipan, maraming dahilan kung bakit kailangang pagaralan ang Lumang Tipan. Ang iglesia noong unang siglo ay nangaral, gumamit at nagaral ng Lumang Tipan (Gawa 2:14-36; 8:31-35; 17:2-3,11; 18:28; 28:23). Pinatunayan ni Pablo na ito'y mahalaga at nakatutulong sa mga Cristiano (I Cor. 10:11; Rom. 15:4). Maraming principiong nagsimula sa Lumang Tipan. Ang mabuti o masamang pamumuhay ay makikita sa talambuhay ng mga tao sa Lumang Tipan. Ito'y talaan ng mahalagang kasaysayan. Maraming bagay sa Bagong Tipan ay ipinapaliwanag sa Lumang Tipan at ito'y siyang nagpapatotoo kay Jesu-Cristo. Pagaralan ang Lumang Tipan upang matotonan ang mga katotohanan ukol sa mga katangian ng Dios at upang matoto sa pamumuhay na matuwid. Ngunit pagingatan na huwag sundin ang mga alituntunin na sadyang para sa mga Israelita lamang (Gal. 5:4).

Ang mga kasulatan sa Bagong Tipan ay kailangan sa pagkat dito mababasa ang talambuhay ni Jesus at ang kasaysayan ng iglesia noong una. Ang kahulugan ng pagpapahayag ng Dios kay Cristo Jesus ay ipinapaliwanag sa Bagong Tipan. Ang mga kasulatan sa Bagong Tipan ay mahalaga bilang mga documento ng kasaysayan sa pagkat ang mga ito'y isinulat ng mga taong personal na nakasaksi sa pamumuhay, sa mga ginawang kababalaghan, sa kamatayan at sa pagkabuhay maguli ni Jesu-Cristo. Marami sa mga aklat ng Bagong Tipan ay sinulat ng mga apostol ni Cristo (Rom. 1:1; Gal. 1:1; I Ped. 1:1 2 Ped. 1:1). Ang pagbasa ng Biblia ay mabuting simulan sa mga evaengelio at ang boong Bagong Tipan at isunod dito ang pagbasa ng Lumang Tipan.

Ang Mga Nilalaman Ng Biblia

Mga Kasulatan Sa Lumang Tipan

Mga Kasulatan sa Bagong Tipan

Pangwakas

Ano ang Cristianismo? Pagkatapos ng mahabang pagsalaysay ng iba't ibang paksa sa Biblia, sana'y maliwanag na ang sagot. Ang Cristinismo ay siyang pananampalataya na si Jesus na taga Nazaret ay siyang Anak ng Dios, ang Cristo at ang Panginoon. Ito ang panindigan na ang sakdal na pagibig ng Dios at ang kaniyang dakilang kalooban ay matatagpuan kay Jesus. Upang maging Cristiano, kailangang si Cristo'y makilala upang maging kagaya niya hangga't si Cristo'y sumasa iyo at nananahan sa iyo (Fil. 3:10; Gal. 2:20; 4:19; Efe. 4:13). Ang Cristiano ay nabubuhay sa pananampalataya sa Anak ng Dios (Gal. 2:20). Napakahalaga ang pagkakilala kay Cristo at ang lahat ng iba pa mang bagay ay basura kung ihambing dito (Fil. 1:21; 3:7-9), sa pagkat si Cristo lamang ang pagasa ng kaligtasan (Gawa 4:12; Juan 14:6).

Ipinaliwanag sa sulat sa mga Hebreo ang tungkol kay Jesu-Cristo ng ganito:

"Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, ay nagsalita sa atin sa huling araw na ito sa pamamagitan ng kaniyang Anak na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan; Palibhasa'y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan, nang kaniyang magawa na ang paglilinis ng mga kasalanan, ay lumuklok sa kanan ng Karangalan sa kaitaasan" ( Heb. 1:1-3).

Kung sino si Jesu-Cristo, si apostol Pablo ang sumulat ng pinakamahusay na paliwanag ng ganito:

"Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang; sa pagkat sa kaniya nilalang ang lahat ng mga bagay, sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, ng mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan; lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya; at siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa kaniya. At siya'y ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ang iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan. Sa pagkat minagaling ng Ama na ang boong kapuspusan ay manahan sa kaniya; at sa pamamagitan niya ay pakipagkasunduin sa kaniya ang lahat ng mga bagay, na pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus; sa pamamagitan niya, sinasabi ko, maging mga bagay sa kalupaan, o mga bagay sa sangkalangitan" (Col. 1:15-20).

Ang salitang dia sa Griego ay isinasalin sa kahulugang "pamamagitan." Ito'y madalas gamitin upang tukuyin ang isang nagsisilbing "pamamagitan" ng pagkaganap o di pagkaganap ng isang layunin. Pansinin sa sumusunod na mga talata kung papaanong ang biyaya, ang katotohanan, ang kaligtasan, ang buhay, ang kapatawaran, ang kapayapaan, ang tagumpay sa kamatayan at ang pakikipagkasundo ay lahat dumating sa "pamamagitan" ni Jesu Cristo (Juan 1:17; 3:17; 10:9; 14:6; Gawa 10:43; 13:38; 15:11; Rom. 1:5; 5:1,2.9.17,18,19,21; 8:37; I Cor. 15:57; II Cor. 3:4; 5:18; efe. 1:5; 2:18; Fil. 1:11; Col. 1:20; I Tes. 5:9; Heb. 7:25; I Juan 4:9).

Ang katuturan ni Jesus ay makikita sa maraming pangalan, titulo o tawag sa kaniya sa Biblia: Cristo (Mat. 16:16), Dios (Juan 1:1; 20:28; Anak ng Dios (Juan 3:16; 20:31; Rom. 1:3), Emmanuel (Mat. 1:23), ang Kordero ng Dios (Juan 1:29), ilaw ng sanglibutan (Juan 9:5), Tagapagligtas (Luc. 2:11; Juan 4:42), Verbo (Juan 1:1,14), Alpha at Omega (Apo. 21:6), mabuting pastor (Juan 10:11),Hari ng Mga Judio (Mat. 27:37), Panginoon (Gawa 2:36), Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon (Apo. 19:16), Panginoon ng kaluwalhatian (I Cor. 2:8), Banal ng Dios (Mar. 1:24), pangulong bato sa panulok (Efe. 2:20), pinagsasaligan ( I Cor. 3:11), pangulong Pastor (I Ped. 5:4), at sinisintang Anak (Luc. 3:22; 9:35).

Alang-alang sa mga katotohanang iyong nalaman sa aklat na ito, kami'y nagsusumamo sa iyo na sumampalataya ka kay Jesus at tumalima ka sa kaniyang kalooban. Malaki ang iyong pakinabangan at walang mawawala sa iyo. Minsan sa pangangaral ni Jesus ay maraming tao ang tumalikod sa pagsunod sa kaniya. Hinarap ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sila'y kaniyang tinanong: "Ibig baga ninyong magsialis din naman?" Sinagot siya ni Simon Pedro: "Kanino kami magsisiparoon? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan. At kami'y nagsisampalataya at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Dios" (Juan 6:66-69). Bakit isinulat ang aklat na ito? Gaya ng mga sinabi ni apostol Juan, ito'y "nangasulat upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios, at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay na walang hanggan" (Juan 20:30-31).

Sa lahat na makabasa nito:

Kung kayo'y may katanungan o kung nais ninyong magkaroon ng kopya ng aklat na ito sa wikang Pilipino o sa wikang English, ipadala ang inyong sulat sa: P. O. Box 2103, Central Post Office, Manila 1099, Philippines.

Felix R. Garlitos

Return to Kergyma Main Page

www.000webhost.com